Home NATIONWIDE Pag-amiyenda ng Biofuels Act sa paggamit ng mas murang bioethanol, isusulong ni...

Pag-amiyenda ng Biofuels Act sa paggamit ng mas murang bioethanol, isusulong ni PBBM

193
0

MANILA, Philippines – Mahigpit na nakikipag-ugnayan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kongreso para amyendahan ang Biofuels Act of 2006, upang magamit ang mas murang bioethanol para sa pagbababa ng presyo ng langis.

Nakikita kasi ng Pangulo na ang panukalang pagsusog sa batas ay makagagaan sa epekto ng tumataas na presyo ng langis sa gitna ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.

“Kinaka-usap na natin ang Kongreso upang amyendahan ang Biofuels Act of 2006,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang video message.

Ang panukala aniya na amiyendahan ang Biofuels Act ay kabilang sa ilang hakbang na ikakasa ng gobyerno sa gitna ng krisis sa Gulf nations.

Sa ulat, ipinag-uutos kasi ng Biofuels Act ang paggamit ng locally-sourced bioethanol sa fuel blends para bawaan ang pagsandal sa imported fuels.

Sinabi pa ng Pangulo na ang tensyon sa Gitnang Silangan ay nakaapekto sa pagdaan ng mga barko na may kargang langis sa Strait of Hormuz, itinuturing na isa sa “most important oil routes” sa mundo.

“Kapag nagkaroon ng problema sa daanang ito, naaapektuhan ang suplay ng langis at tumataas ang presyo nito sa buong mundo, hindi lamang dito sa Pilipinas,” aniya pa rin.

Winika pa ng Chief Executive na inaasahang tataas ang presyo ng langis sa susunod na linggo, sa pagtatantiya, ang gasoline ay tataas ng P7.48 kada litro, diesel ng P17.28, at kerosene ng P32.35

“Ang Pilipinas at ang buong mundo ay kasalukuyang nakakaranas ng epekto ng giyera sa Gitnang Silangan. Kapag may kaguluhan sa rehiyong iyon, gumagalaw ang presyo ng langis. Gumagalaw ang presyo ng kuryente. Gumagalaw ang presyo ng lahat ng bilihin,” ang ipinahayag ng Pangulo.

Kamakailan ay ipinahayag ni Pangulong Marcos na makikipag-usap siya sa mga lider ng Kongreso upang mabigyan ng kapangyarihan ang pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sakaling tumaas ang presyo ng Dubai crude oil sa mahigit $80 kada bariles.

Ayon kay Pangulong Marcos, ito ay magiging emergency measure na ipatutupad agad kapag natapos ang sigalot sa Middle East. Kasama rin sa pahayag ang suporta ni Acting Finance Secretary Frederick Go sa ideya ng emergency powers para sa pangulo sakaling patuloy na tumaas ang presyo ng langis. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here