Home NATIONWIDE Pag-anunsyo ni VP Sara ng pagtakbo sa 2028, ‘advantage’ sa kalaban –...

Pag-anunsyo ni VP Sara ng pagtakbo sa 2028, ‘advantage’ sa kalaban – solon

206
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. na maaaring maging bentahe sa mga kalaban ni Sara Duterte ang maaga nitong pag-anunsyo ng pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.

Ayon kay Abante, na nag-sponsor ng ikaapat na impeachment complaint laban sa bise presidente, maaga pa ang 2028 at maaari itong magbukas ng mga isyung dapat sagutin ni Duterte, kabilang ang mga alegasyon ng pagbabanta sa ilang opisyal at umano’y maling paggamit ng confidential funds.

“But 2028 is still a long way off, more than two years from now. That’s why I said her early announcement might be a blessing in disguise for whoever runs against her. Secondly, it would expose the vice president to many questions she should be answering,” ani Abante sa isang news forum noong Sabado.

Binigyang-diin niya na ang mga impeachment complaint ay nakatuon sa kasalukuyang tungkulin ni Duterte bilang bise presidente at hindi sa kanyang planong pagtakbo sa 2028. Aniya, ang pag-anunsyo ng kandidatura ay hindi nangangahulugang ligtas siya sa pananagutan.

Bukod sa reklamong inihain ni Abante, may tatlo pang impeachment complaint na isinampa ngayong buwan laban kay Duterte. Ang unang petisyon, na inihain noong Pebrero 2 ng mga progresibong grupo at inendorso ng House Makabayan bloc, ay tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang mabibigat na krimen.

Ang ikalawang reklamo ay isinampa rin noong Pebrero 2 ng isang koalisyon ng civil society leaders, kabilang si Tindig Pilipinas convenor Kiko Aquino Dee at ilang religious leaders, at sinuportahan nina Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima.

Kapwa inaakusahan si Duterte ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, panunuhol, betrayal of public trust, abuse of power, tolerance of extra-judicial killings, at maling paggamit ng bilyong piso sa confidential at intelligence funds.

Noong Pebrero 9, nagsampa rin ng ikatlong impeachment complaint ang ilang miyembro ng clergy at ng Integrated Bar of the Philippines, sa pangunguna ni abogado Armando Ligutan at inendorso ni de Lima.

Nauna rito, ibinasura na ng Supreme Court of the Philippines ang apela ng House of Representatives upang baligtarin ang desisyon noong Hulyo 25, 2025 na nagdeklarang unconstitutional ang mga naunang articles of impeachment laban kay Duterte.

Noong Pebrero 5, 2025, 215 miyembro ng 19th Congress ang lumagda sa ikaapat na petisyon laban sa kanya matapos ang imbestigasyon ng House committee on good government and public accountability hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds sa Office of the Vice President at sa Department of Education, na pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here