MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang panawagan para sa pagsasabatas ng panukalang dagdag-sahod dahil naipasa na ng Kamara ang counterpart version nito.
Idiniin ni Go na inaprubahan na ng Senado ang bersyon nito—Senate Bill No. 2534—sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang taon.
Ang panukala co-author at co-sponsor ni Go ay naglalayong magbigay ng kinakailangang income-relief sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa gitna ng lumolobong economic pressures.
Sa pag-aksyon ng dalawang kapulungan, kinatigan ni Go ang panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa isang urgent bicameral conference upang i-reconcile ang dalawang bersyon at matiyak na ang huling panukala ay makararating sa Pangulo ngayong Kongreso.
“Umaasa ako na maipapasa natin ito sa tamang panahon dahil nakasalalay dito ang kapakanan ng maraming manggagawang Pilipino,” sabi ni Go.
Iginiit ni Go na kung hindi ito mabibigyang-prayoridad ay may posibilidad na maramdaman ng mga manggagawa na isinasantabi ang kanilang panawagan.
Ipinapakita ng datos mula sa Social Weather Stations (SWS) na 27.2% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan—ang pinakamataas mula noong pandemya ng COVID-19.
Noong Enero 2025, nasa 4.3% ang walang trabaho, katumbas ng humigit-kumulang 2.16 milyong Pilipino.
Bagama’t bumagal ang inflation sa 2.1% noong Pebrero, ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay may projected potential rebound dulot ng domestic at global pressures.
“Kung dati ang tanong lang ay magkano ang sweldo, ngayon tanong ng karamihan ay kung may kakainin pa ba bukas. Hindi ‘yan dapat pangkaraniwang tanong sa isang bansa na mayaman sa likas na yaman at masisipag na mamamayan,” ani Go.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Go na ang pinal na bersyon ng iminungkahing batas ay dapat isaalang-alang ang lahat ng aspeto, kapwa ng mga empleyado at employer.
“May exemption ang maliliit na, lalo na kung talagang hirap na hirap na sila. Balansehin po natin ang interes ng lahat. Sana mabigay sa milyon-milyong manggagawa ang dagdag na sweldo na makatutulong sa pagkain, pamasahe, at bayarin nila,” paliwanag ng senador. RNT