ILOCOS SUR-Kamatayan ang sinapit ng isang 35-anyos na security guard matapos mahulog sa under construction na drainage section ng Diversion Road sa Candon City ng lalawigang ito kagabi, Hunyo 7.
Ayon sa Candon CPS, ang biktima ay residente ng Brgy. Parioc 2nd ng naturang lungsod.
Minamaneho ng biktima ang kulay itim na Yamaha Sniper 155 motorcycle at bumibiyahe papuntang silangan sa Parioc Road sa Brgy. Calaoa-an, Candon City, Ilocos Sur.
Pagdating nito sa pinangyarihan ng insidente, hindi niya napansin ang under-construction drainage section ng Diversion Road kaya nahulog ang kanyang sasakyan sa lalim na 7 feet below ground level at sumalpok sa High-Density Polyethylene (HDPE) pipe.
Resulta nito, nagtamo ng severe injury ang driver na agad na isinugod sa ospital ng mga rumespondeng PNP at BFP personnel.
Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang driver ay nakainom nang mangyari ang aksidente. Rolando S. Gamoso