MANILA, Philippines – Target ng Department of Agriculture (DA) na makumpleto nito ang nagpapatuloy na pag-audit sa farm-to-market roads (FMRs) pagsapit ng unang quarter ng 2026.
Sa panayam, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na nagpapatuloy ang pag-audit sa farm-to-market roads.
“Out of the 4,700 [FMRs], isang libo na ‘yung napuntahan,” ani de Mesa.
Sinabi pa ng opisyal na sa unang 1,000 FMRs na nainspeksyon, walo ang nasita bilang “missing projects” na matatagpuan sa Davao Occidental.
Noong Huwebes, sinita ng DA ang walong “missing” FMRs sa Davao Occidental na nagkakahalaga ng P100 milyon na pinondohan mula 2021 hanggang 2023 ngunit hindi naman nagawa.
Ani De Mesa, ang walong “missing” projects ay tinukoy bilang natapos na ngunit walang rekord ng accomplishments hanggang nitong Setyembre 2025.
Mayroon ding nagpapatuloy na construction activities habang isinasagawa ang audit na maaaring paraan para makahabol.
Sinabi ni De Mesa na ang Bureau of Agriculture and Fisheries Engineering, Internal Audit Service ng DA, maging ang inspectorate at enforcement bureaus, ay nagtutulungan sa pagsasagawa ng FMR audit.
“Ang target ay is by first quarter of next year,” pahayag ni De Mesa sa panayam ng DZBB.
Ang mga FMR aniya ay matatagpuan sa buong bansa “but most likely, karamihan ay nasa Mindanao.”
Ipinadala na sa Office of the President ang datos ng mga tinukoy na “missing” projects na ipapasa naman sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Anang opisyal ng DA, ang contractual obligations ay sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil ito ang implementing agency, habang ang badyet ay mula sa Agriculture Department.
Simula 2026, iti-take over na ng DA ang implementasyon ng FMRs mula sa DPWH.
Inaasahan ng DA na makatitipid ito ng nasa 20% sa construction costs sa oras na maipatupad ang mga FMR. RNT/JGC