Home NATIONWIDE Pag-imprenta ng balota para sa BARMM posibleng ipagpaliban

Pag-imprenta ng balota para sa BARMM posibleng ipagpaliban

(via Danny Querubin)

MANILA, Philippines – Posibleng ipagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng mga balota para sa Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kasunod ito ng pagsertipika ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang urgent sa panukalang ipagpaliban muna ang unang BARMM elections sa darating na Oktubre.

Ang BARMM elections ay plano kasing isabay ito sa midterm elections sa Mayo para makatipid na rin sa gastusin ang pamahalaan.

Sinabi Comelec Chairman George Erwin Garcia na tigil muna sila sa pag-imprenta nito at tanging ang para sa National and Local Elections muna ang kanilang itinuloy dahil na rin sa nasabing pagbabago.

Posible rin aniya na magkaroon ulit ng panibagong paghahain ng kandidatura para sa rehiyon sakaling mabago na ang mga distrito.

Ito ay kasunod naman ng desisyon noon ng Korte Suprema na naghihiwalay sa Sulu bilang bahagi ng BARMM.

Noong Nobyembre ng nakaraang taon nang pagtibayin ng SC ang ruling na nag-aalis sa lalawigan mula sa BARMM at ibinasura na rin ang mga mosyon na inihain kaugnay dito.

Ayon sa Comelec, hihintayin na lang ng poll body na maipasa bilang batas ang pagpapaliban sa BARMM elections para sa ilan pang gagawing mga pagbabago. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)