Home NATIONWIDE Pag-imprenta ng mga balota sa 2025 polls, sisimulan na sa Miyerkules

Pag-imprenta ng mga balota sa 2025 polls, sisimulan na sa Miyerkules

MANILA, Philippines – Sisimulan ang muling pag-imprenta ng mga balota para sa 2025 national at local elections sa Miyerkules, Enero 22 matapos itigil ang operasyon bilang tugon sa kautusan ng Korte Suprema.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang layon ngayon ng poll body na gamitin ang lahat ng makina na magagamit sa National Printing Office dahil sa delay na ang pag-imprenta ng mga balota na dapat sana ay orihinal na matatapos sa Abril 14.

Ayon sa Comelec, anim na milyong balota ang nasayang na ginastusan ng P132 milyon kasunod ng paglabas ng temporary retraining order ng SC laban sa disqualification case ng ilang kandidato para sa May 12 election.

Aminado si Garcia na ang pag-imprenta ng balota para sa darating na halalan ay hindi madali dahil sa pagiging kumplikado nito.

Hindi rin aniya inasahan ng Comelec ang karagdagang gastos na dulot ng pangangailangang muling i-imprenta ang mga balota ngunit ipinaliwanag niya na maaari nilang i-realign ang budget mula sa isang existing line item.

Sa kabila nito, umapela si Garcia sa publiko na huwag sisihin ang SC sa nangyari, at sinabi na ang mataas na hukuman ay dapat laging respetuhin at sundin.

Ayon kay Garcia, ipagpapatuloy ang muling pag-imprenta ng mahigit 70 milyong bagong balota para sa May elections.

Sinimulan ang pag-imprenta ng nasayang na balota noong Enero 6.

Noong Biyernes ay sinimulan na rin ng Comelec na ilipat sa Sta. Rosa City, Laguna ang anim na milyong nasayang na balota para sa tamang disposal na ayon sa komisyon ay tutunawin. Jocelyn Domenden