MANILA, Philippines- Muling isinulong ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mungkahi nya sa pamahalaan na umupa ng mga sasakyang panghimpapawid at pandagat para palakasin ang depensa ng bansa, partikular sa West Philippine Sea (WPS).
Binigyang-diin ni Tolentino ang naturang opsyon sa pagtalakay sa panukalang badyet para sa taong 2025 ng Department of National Defense (DND), kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Sana’y magbukas ng isipan ang ating tanggulang pambansa sa posibilidad ng pag-upa ng mga eroplano at barko para palakasin ang ating sandatahan,” ani Tolentino.
Nauna nang itinulak ng senador ang pagpasok sa lease agreements para pabilisin ang expansion ng marine fleet ng bansa sa WPS, sa gitna ng walang habas na pambabraso ng China sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino.
Si Tolentino ang pangunahing may akda at sponsor ng dalawang bagong lagdang batas na nagtataguyod sa territorial integrity at maritime domain ng bansa – ang Philippine Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act.
“Sa pamamagitan ng leasing o pag-upa, makakatipid ang gobyerno sa paglabas ng malaking pondo para makabili ng mamahaling kagamitan. Mapapababa rin nito ang maintenance cost at depreciation risk, at makakatulong pa sa episyenteng pagbabadyet ng pondo ng gobyerno,” aniya.
Pinahihintulutan sa ilalim ng New Government Procurement Act (Republic Act 12009) ang pag-upa ng ‘movable properties’ ng pamahalaan, ayon sa senador.
Ipinunto nya na saklaw ng ‘movable properties’ ang mga “vessels, boats, tugboats, aircraft carriers, at submarines.”
Matagal na rin umanong pumapasok sa leasing arrangements ang ibang bansa, tulad ng Estados Unidos, India, Australia, South Korea, at mga kasapi ng NATO gaya ng Germany at the Netherlands.
Bilang tugon, sinabi ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, sponsor ng badyet ng DND, na bukas ang kagawaran sa mungkahi ni Tolentino.
“Tama po, Mr. President. Sa katunayan ay masusi nang pinag-aaralan ng pamahalaan ang pag-upa ng mga barko bilang stop-gap measure,” ani Dela Rosa. RNT