Home NATIONWIDE Pag-uwi ni Mary Jane Veloso sa Pinas ikinagalak ni PBBM

Pag-uwi ni Mary Jane Veloso sa Pinas ikinagalak ni PBBM

MANILA, Philippines- Ikinagalak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik-Pinas ni convicted overseas Filipino worker Mary Jane Veloso matapos makulong sa Indonesia sa loob ng mahigit isang dekada.

“We’re celebrating already,” pahayag ni Marcos sa sidelines ng inagurasyon ng Bagong Pilipinas One-Stop OFW AKSYON Center ng Department of Migrant Workers.

Inanunsyo ng pamahalaan ng Pilipinas nitong Lunes na makakapag-Paskong muli Veloso kasama ang kanyang pamilya sa pag-uwi niya sa Manila ngayong Miyerkules.

Sinabi ng Malacañang na ang pag-uwi ni Veloso ay “the fruit of more than a decade of persistent discussions, consultations and diplomacy.”

Noong Enero, nagpadala ng liham ang pamilya ni Veloso kay dating Indonesian President Joko Widodo at kay Marcos upang ihirit ang clemency nito.

Nitong Nobyembre, sinabi ni Marcos na nagkasundo ang Manila at Jakarta na ililipat si Veloso sa Pilipinas, at pinasalamatan si Indonesian President Prabowo Subianto at kanyang gobyerno.

Sa pangunguna ni Department of Foreign Affairs undersecretary Eduardo de Vega, dumating ang Philippine officials sa Indonesia nitong Martes ng umaga para sa kanyang turnover.

Kinumpirma rin ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na ididiretso si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City pagdating niya sa Pilipinas. RNT/SA