HINDI lahat ng pag-uwi ay masaya. May mga pagbabalik na walang palakpakan, walang ngiti—kundi puno ng takot, pangamba, at panghihinayang.
Ito ang nararamdaman ng 317 Pilipino mula sa Gitnang Silangan na napilitang lisanin ang kanilang trabaho at kabuhayan dahil sa umiigting na tensyon sa rehiyon.
Sa bawat numerong ito ay may kwento, may pangarap na naputol. Hindi biro ang iwan ang trabahong matagal mong pinaghirapan, ang kabuhayang umaasa ang pamilya mo, at ang kinabukasang unti-unti mo nang binubuo. Ngunit sa gitna ng banta ng kaguluhan, ang kaligtasan ang naging pangunahing dahilan ng kanilang pag-uwi—isang desisyong walang kasiguraduhan, ngunit kinakailangan.
Sa gitna ng kaguluhan at pangamba, napatunayang may kakayahan ang pamahalaan na umaksyon kapag kinakailangan. Sa tulong ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naisakatuparan ang ligtas na pagbabalik ng mga Pilipino sa bansa sa pamamagitan ng charter flights—isang hakbang na nagligtas ng buhay at nagbigay ginhawa sa mga pamilyang nag-aalala.
Hindi ito gawa ng iisang tanggapan lamang. Sa likod nito ay ang sama-samang pagkilos ng Department of Migrant Workers sa pangunguna ni Hans Leo Cacdac, Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration at iba pang ahensya ng gobyerno—ay nagkaisa kaya naging mabilis at epektibo ang pagtugon sa krisis.
Ang kanilang laban ay hindi natapos sa pag-alis sa ibang bansa. Sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas, panibagong hamon ang naghihintay—trabaho, kabuhayan, at muling pagsisimula. Dito masusukat hindi lamang ang tibay ng loob ng ating mga OFW, kundi pati ang malasakit at kahandaan ng pamahalaan na tunay silang alalayan.
Kung ang pag-alis nila noon ay puno ng pag-asa, ang pag-uwi nila ngayon ay puno ng tanong: saan sila magsisimula muli? Handa ba ang bansa na saluhin ang kanilang pagbagsak, at tulungan silang muling tumayo?
Dapat itong magsilbing paalala: kung nagagawa ito sa panahon ng panganib, bakit hindi paigtingin ang ganitong antas ng serbisyo kahit sa araw-araw? Ang tunay na malasakit ay hindi lamang nasusukat sa bilis ng pagresponde sa sakuna, kundi sa tuloy-tuloy na pag-alalay sa bawat Pilipino.






