MANILA, Philippines- Sinang-ayunan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang panawagan ni Sen. Francis ‘Tol’ Tolentino na isama sa ilalabas na weather update kung ano ang kulay ng damit na dapat isuot upang maging angkop sa panahon.
Sa programang SOS ng DZRH, hiniling ni Sen. Tolentino kay Analiza Solis, Chief ng Climate Monitoring and Prediction ng DOST-PAGASA kung maaring ikonsidera ang kanyang suhestyun. Halimbawa, kung mainit ang panahon ay puti o light color at kung maulan naman ay dark colors ang irekomendang suotin.
Sa ganitong paraan aniya ay mas madaling mauunawaan ng publiko ang lagay ng panahon at makapagsusuot ng damit na angkop sa panahon.
Nagpasalamat si Solis sa suhestyon ni Sen. Tolentino at nangako na maglalagay ng icons sa kanilang weather updates hinggil sa irerekomendang kasuotan base sa lagay ng panahon.
Ayon kay Sen. Tolentino, nakakuha na naman siya ng dagdag na puntos, matapos pakinggan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanyang panawagan na magpatupad ng price control habang may El Nino. RNT