MANILA, Philippines – Ayon sa PAGASA, hindi papasok o mababa ang tsansa na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Cyclone Sinlaku na lumakas bilang super typhoon nitong Linggo ng hapon.
Sa live weather broadcast ng PAGASA nitong Lunes, sinabi ni senior weather forecaster Aldczar Aurelio na hindi rin inaasahang maaapektuhan ng bagyo ang panahon sa bansa.
Taglay ng Sinlaku ang lakas ng hangin na 205 kilometers per hour at pagbugsong umaabot sa 250 kph. Natagpuan ito sa layong 2,580 kilometro silangan ng Visayas alas-3 ng madaling araw nitong Lunes at kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph. Inaasahang dadaan ito malapit sa Guam at Northern Mariana Islands sa Abril 14.
Samantala, patuloy namang mararanasan sa Pilipinas ang mainit at tuyo na panahon. Ayon sa PAGASA, ang ridge ng high pressure area sa Northern Luzon ay naglilimita sa pagbuo ng ulap kaya’t nananatiling maaraw at tuyo ang panahon sa hilaga.
Sa ibang bahagi ng bansa, mainit din ang panahon na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan o thunderstorms sa hapon.
Posibleng umabot sa danger level na 42°C ang heat index sa Cotabato City ngayong Lunes.
May 10 pang lugar, karamihan sa Luzon, ang maaaring umabot sa 40°C hanggang 41°C heat index:
41°C: Borongan City, Cavite City, Coron (Palawan), Dumangas (Iloilo), Zamboanga City 40°C: Aparri (Cagayan), Pasay City, San Ildefonso (Bulacan), Tanauan City, Tuguegarao City
Nauna nang sinabi ng PAGASA na ang tag-init sa bansa ay karaniwang pinakamainit tuwing Abril hanggang unang kalahati ng Mayo, at maaaring umabot pa sa 40°C ang temperatura sa Northern at Central Luzon ngayong buwan. RNT/MND