Home NATIONWIDE Pagbaba ng trust, performance rating ng Pangulo sa OCTA Research, di makakaapekto...

Pagbaba ng trust, performance rating ng Pangulo sa OCTA Research, di makakaapekto kay PBBM – Malakanyang

314
0

MANILA, Philippines – Kumbinsido ang Malakanyang na hindi maaapektuhan ng anumang numero si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos bumaba ang trust at performance ratings nito sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, para sa ikatlong quarter ng 2025.

Ang katuwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, anuman ang numero, mataas, mababa at hangga’t nagtatrabaho ang Pangulo at ang gobyerno para sa taumbayan ay hindi ito apektado ng anumang survey.

“Pero nandodoon pa rin po iyong majority po ay nandoon pa rin po iyong kanilang trust sa ating Pangulo. Sabi nga po natin anuman ang numero, mataas, mababa at hangga’t nagtatrabaho ang ating Pangulo at ang gobyerno o para sa taumbayan tuluy-tuloy pa rin po at hindi po tayo maaapektuhan ng anuman pong numero,” ang sinabi ni Castro.

Batay kasi sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, bumaba sa 57%ang trust ratings ni Pangulong Marcos, mas mababa ng 7% kumpara sa 64 percent noong Hulyo 2025.

Bumaba naman ng 8 points ang performance ratings ng Pangulo… Mula 62 percent nitong Hulyo ay bumagsak ito sa 54%.

Samantala, sumadsad naman sa 51% ang trust ratings ni VP Sara, mas mababa sa 54% noong ikalawang quarter ng taon.

Habang bahagya namang bumagsak sa 49 percent ang performance ratings ng Bise Presidente, kumpara sa 50% noong Hulyo 2025.

Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents sa buong bansa, sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula noong Setyembre 30 hanggang Oktubre 4. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here