Home METRO Pinsalang iniwan ni Tino dahil sa laganap na quarrying sa Cebu; DENR...

Pinsalang iniwan ni Tino dahil sa laganap na quarrying sa Cebu; DENR inatasan ng Malakanyang na mag-imbestiga

468
0

MANILA, Philippines – Ipinaubaya na ng Malakanyang sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pag-iimbestiga sa naging pahayag ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na resulta ng iresponsable at walang habas na quarrying na pinalala ng pandarambong at kapabayaan ng pamahalaan ang matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Tino sa lalawigan ng Cebu.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na hindi na kailangang iutos pa ng Pangulo sa DENR na busisiin ang ganitong klase ng situwasyon.

“Sa ngayon po ay  wala pa pong naipapaabot sa atin kung mayroon na po silang usapan ng pamunuan ng DENR but with that kind of situation, hindi na po kailangang iutos ‘to ng Pangulo dahil alam po nila kung ano ang nais ng Pangulo at ano ang mga direktiba ng Pangulo sa mga ganitong klaseng kalamidad,” ang sinabi ni Castro.

“Kung ganiyan po ang nakikita, dapat lamang po din tingnan ito ng pamunuan ng DENR kung ano ang nagaganap at kung ito ba ay hindi lamang dahil sa kalamidad, hindi lamang ito act of God kung hindi may kinalaman ang mga pagpapabaya ng mga tao at ang pang-aabuso sa ating natural resources o sa ating kalikasan. So, talaga pong magkakaroon din po ng imbestigasyon dito,” litaniya ni Castro.

Nauna rito, sinabi ng KMP na ang hindi pa nararanasang pagbaha sa buong lalawigan ay nagpapakita ng panganib ng walang regulasyong quarrying.

“Hindi likas na sakuna lamang ang sanhi ng mga pinsalang ito kundi bunga ng dekadang pagkasira ng kalikasan,” pahayag ni KMP Chairperson Danilo Ramos.

Kinumpirma ni Ramos ang naunang pahayag ng Cebu City Council na nagsabing ang walang patid na quarrying sa mga upland barangay ang sanhi ng pagbaha sa mga mabababang lugar tulad ng Metro Cebu, Cordova, San Francisco, Catmon, Danao City, Talisay City, at Tudela.

Ang dolomite—na ginagamit sa konstruksyon, bilang pampabuti ng lupa, at sa industriya bilang pinagkukunan ng magnesium para sa paggawa ng salamin, bakal, at kemikal—ay malawakang kinukuha sa isla ng Cebu. Kabilang sa mga kumpanyang nagmimina rito ay ang Dolomite Mining Corporation (DMC), Philippine Mining Services Corporation (PMSC), Apo Land and Quarry Corporation, Apo Cement, Taiheiyo Cement, Century Peak Cement, Mabuhay Filcement Inc., Republic Cement, at Eagle Cement.

Nagkaroon na ng mga pagguho sa mga quarry site sa nakaraan, ang pinakahuli ay noong nakaraang buwan kung saan isang 18-anyos na manggagawa ang nasawi sa Camotes Island.

Ang pinakamalaking trahedya na may kaugnayan sa dolomite quarrying ay naganap noong Setyembre 2018 sa Lungsod ng Naga, kung saan 78 katao ang nasawi at lima ang nawawala.

Noong Hulyo, pansamantalang sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu ang lahat ng operasyon ng quarrying para sa pagsusuri.

Ngunit ayon sa KMP, sa kabila ng mga kautusan mula sa lokal na pamahalaan, nananatiling laganap ang quarrying sa Cebu.

May mga operasyon ng quarrying sa mga bayan at lungsod tulad ng Asturias, Balamban, Bogo City, Carcar City, Dalaguete, at Toledo City kung saan kinukuha ang limestone, buhangin, at graba para sa konstruksyon.

Binigyan diin ng KMP, ipinapakita ng pinakahuling sakuna kung paanong ang dekadang operasyon ng quarrying—malawakang paghuhukay ng lupa, pagputol ng bundok, at pagkasira ng watershed—ay nag-iwan sa maraming komunidad ng matinding panganib sa landslide at pagbaha.

Dagdag pa ng grupo, pinalala ng matinding pag-ulan mula kay Bagyong Tino ang mga panganib na ito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here