Home OPINION PAGBABAKWIT NG OFWs SA LEBANON, ISRAEL

PAGBABAKWIT NG OFWs SA LEBANON, ISRAEL

MALAKI umano ang posibilidad na magkagiyera ang Hezbollah at Israel sa mga susunod na araw.

May ilang hakbang nang ginagawa ang Israel patungo rito at maging ang Hezbollah.

Makaraang ilabas ng Hezbollah ang mga mapa na tumutukoy sa mga posibleng target nito sa Israel, agad namang kumilos ang huli.

Binabawasan na ng Israel ang mga pwersa nito laban sa Hamas sa Gaza Strip at pinatutungo na ang mga ito sa hangganan ng Israel at lugar sa Lebanon para humarap sa mga pwersa ng Hezbollah.

Naglilipat na rin ang Israel ng maraming makinarya nito na bahagi ng Iron Dome patungo sa hangganan ng Israel at Lebanon bilang pangontra sa sinasabi ng Hezbollah na pagpapaulan nito ng missile at drone sa Israel.

Iron Dome ang tawag sa mga makinaryang panlaban sa missile, drone, bomber jet at iba pa.

Ang matindi, kung sakaling magkaroon ng all-out war ang Hezbollah at Israel, posible umanong madamay ang buong Lebanon, maging ang Cyprus na sinasabing panggagalingan ng ibang mga pandigmang kagamitan ng Israel at mga kakampi nito.

Higit na matindi, posible pa umanong masangkot na nang direkta ang United States at Iran sa labanan.

At sasama na rin sa digmaan ang mga kakamping grupo ng Iran na nakabase sa Yemen, Syria, Iran at Iraq.

At kung mangyari ito, posibleng madamay na ang iba pang mga bansa at lalahok sa giyera laban o kontra sa Israel o sa Hezbollah.

PINIPIGILAN

Ngayon pa lang, nananawagan na ang United Nations na pigilin ng Hezbollah at Israel ang kanilang mga sarili na pumasok sa all-out.

Ang US, Germany, Greece, Saudi Arabia at iba pa, naglalabas na rin ng pagkabahala.

Kakambal ng pagkabahala ng mga ito ang kanilang aksyon at kahilingan ng pigilin ng Hezbollah at Israel ang kanilang mga sarili tungo sa digmaan at sa halip, isaalang-alang nila higit ang kapayapaan kaysa digmaan.

LIBO-LIBONG OFW ALALAHANIN

Nabanggit natin nitong nakaraan na may 33,000 overseas Filipino worker sa Lebanon at nasa 30,000 naman sa Israel.

Sa Cyprus naman, may 18,000.

Ang bansang Kuwait, sinimulan na nitong manawagan sa mga Kuwaiti na bumalik na sila sa kanila mula sa Lebanon.

Ang Canada, anomang oras, pakikilusin na ang pwersa militar nito para ibakwit ang mga Canadian sa Lebanon.

Ano naman kaya ang mga nasimulan nang mga hakbang para iligtas ang mga OFW sa Lebanon, Israel at Cyprus sakaling sumiklab ang digmaan?

Ayon sa mga tumitingin sa maaaring pagbakwitan ng mga dayuhan, posibleng isa ang Cyprus at ang Turkiye.

Pwedeng gamitin ang mga barko at daraong mismo sa Lebanon kung sakaling mabomba at masira ang mga paliparan sa Lebanon.

Ano-ano na nga ba ang mga paghahanda ng ating pamahalaan sa usapin ng pondo, kagamitan at tao para sa pagbabakwit at pagliligtas sa mga OFW?