Home NATIONWIDE Pagbabalik ng ‘tanim-bala’ pinabulaanan ng DOTr

Pagbabalik ng ‘tanim-bala’ pinabulaanan ng DOTr

MANILA, Philippines- Itinangi ng Department of Transportation (DOTr) na nagbalik ang ‘tanim-bala’ modus sa paliparan sa bansa kasunod ng ilang insidente ng mga pasahero na nahuling may dalang bala sa kanilang bagahe ngayong buwan.

Iprinisinta ni DOTr Secretary Vince Dizon sa isang press briefing kasama si Office for Transportation Security (OTS) Administrator Arthur Bisnar ang tatlong umano’y kaso ng tanim-bala na nag-viral sa social media kamakailan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng OTS at Philippine National Police Aviation Security Group, maaaring aksidenteng naimpake ng mga pasahero ang mga bala.

Giit ni Dizon, hindi bumalik ang tanim-bala at kung may problema ay kanilang aaminin ang pagkakamali at kanilang aaksyunan.

Pero aniya, kapag ganitong sitwasyon na klaro namang hindi nagkamali ang OTS personnel, sinabi ni Dizon na kailangan din itong ipakita.

Sinabi rin ni Dizon na magsisilbi rin itong paalala sa publiko na mag-ingat sa pagtanggap ng mga package na kanilang bibitbitin sa kanilang paglalakbay.

Ang huling insidente ay nangyari sa isang 72 taong gulang na babae na palipad mula Clark International Airport sa Pampanga noong Marso 27,2025.

Natuklasan ang bala na nakasilid sa loob ng lata ng bagoong.

Depensa ng pasahero, may humingi lang ng pabor sa kanya na dalhin ang canned good. Hindi rin aniya alam na may inilagay na bala.

Sa kabila nito, pinayagan din siyang makalipad patungong Taiwan matapos kumpiskahin ang bala ng mga pulis.

Sa pangyayari, pinatunayan ni Dizon na hindi ang personnel ng OTS ang naglagay, nagtanim ng bala dahil inamin ng pasahero na may nagpadala sa kanya ng isang lata.

Samantala, idinetine naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang pasaherong lalaki patungong Cayman Islands para magtrabaho matapos mahulihan ng apat na bala sa loob ng kanyang bag noong Marso 24, 2025.

Sinabi ni Bisnar na walang naobserbahang iregularidad sa panig ng airport security personnel.

Kalaunan ay inamin ng pasahero na galing ito sa isang firing range noong nakaraang taon.

Ayon kay Bisnar, ang lalaki ay kakasuhan ng illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban.

Noong Marso 20, isang senior citizen din ang pansamantalanh pinigilan makaraang may makitaan ng bala sa kanyang bagahe na ayon sa kanyang pamangkin ay posibleng porter ang gumawa dahil senior na ito.

Nangako naman si Dizon na rerebyuhin ang lahat ng CCTV footage sa iba’t ibang bahagi ng paliparan.

Sakali namang may pagkakamali ang airport employees, sinabi ni Dizon na hindi siya mag-aatubiling sibakin ang mga ito tulad ng pagsibak sa ilang OTS personnel sa unang bahagi ng Marso matapos na maling akusahan ang isang turistang senior citizen ng pagdadala ng basyo ng bala.

Kaugay nito, idinagdag ni Bisnar na dapat ding bantayan ng mga manlalakbay ang kanilang bag pagdating sa paliparan.

Umapela rin ang DOTr at OTS sa publiko na maging maingat sa pag-eempake ng kanilang gamit at huwag ding tangkaing magdala ng ipinagbabawal na bagay sa kanilang biyahe. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Babala ni Dizon, kung nakalagpas man sa mga awtoridad sa paliparan sa Pilipinas– mahaharap naman sila sa mas matinding kahihinatnan sa ibang bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)