Home NATIONWIDE Pagbabantay ng Pinas sa EEZ, WPS pinaigting ng bagong defense concept ng...

Pagbabantay ng Pinas sa EEZ, WPS pinaigting ng bagong defense concept ng Pinas

MANILA, Philippines- Pinaigting ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng Pilipinas ang abilidad na protektahan ang exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang teritoryo, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. nitong Martes.

“Nakita natin yun importansya ng ating EEZ, (pati) na rin po yun mga features natin katulad ng Pagasa Island ay nasa labas ng exclusive economic zone. But still, we consider that a territory of the Philippines, meron na nga po tayong komunidad sa Pagasa Island. Meron siyang sariling mayor, at so, kailangan po natin depensahan natin ito,” pahayag ni Brawner sa Pre-SONA (State of the Nation Address) Special “Resibo ng Serbisyo ng Pangulo” sa state-run PTV.

Nauna nang sinabi ni Brawner na nakabase lamang ang defense concept ng bansa sa sarili nitong baseline, na nangangahulugang kailangang maghintay ng AFP na dumating ang potensyal na kaaway bago magsagawa ng operasyon laban sa banta.

Matatandaang sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na bibigyang-daan ng CADC na matugunan ng Pilipinas ang umiiral nitong maritime security challenges at matutugunan ngĀ  AFP ang mga banta sa Philippine territorial integrity at sovereign rights.

Samantala, sinabi ni Brawner na magpapatuloy ang pagpapatrolya ng AFP sa WPS upang matiyak na maipagpapatuloy ng mga mangingisdang Pilipino ang kanilang normal na aktibidad.

Gayundin, patuloy ang survey operations upang matukoy ang estado ng resources sa WPS, base sa opisyal.

“Marami pa tayong ginagawang operations na di pwedeng sabihin dito. But of course, tuloy-tuloy po ang gagawin maritime and air patrols,” wika niya.

“Sa mga susunod na buwan ay marami pa tayong makikitang MMCA (multilateral maritime cooperative activities). This time, pati mga bansa sa Europa, gustong sumama. Gustong sumama ng France, United Kingdom, Germany, pati na rin dito sa region natin, New Zealand to join us in our joint sail activity,” giit pa ni Brawner. RNT/SA