MANILA, Philippines – Inihirit ng dalawang mambabatas sa Senado na pagtibayin ang isang panukalang batas na magbabawal sa pagpapaunlad, produksiyon, pag-iimbak at paggamit ng chemical weapon sa PIlipinas.
Sa magkahiwalay na pahayag, kapwa hiniling nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Senador Alan Peter Cayetano sa kasamahan na pagtibayin ang panukalang Senate Bill NO. 2871 sa ilalim ng Committee Report 344 o ang “Chemical Weapons Prohibition Act” sa plenary hall.
“Mr. President, esteemed colleagues, this representation respectfully seeks your support in moving this long overdue legislation forward,” Estrada sa kanyang sponsorship speech.
“I look forward to the deliberations of this measure and welcome inputs from the honorable members of this chamber with the sincere hope that this Senate will not delay any further the passage of this bill that is almost three decades behind,” ayon kay Estrada.
Sinabi naman ni Cayetano na naglalayong palakasin ang paninindigan ng Pilipinas laban sa mga chemical weapon kaya’t suportado nito ang panukala bilang miyembro ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.
Isa si Cayetano sa lumagda sa Senate Committee Report No. 344 para sa Senate Bill No. 2871.
Aniya, ang eksaktong titulo ng panukala ay Act “Prohibiting the Development, Production, Stockpiling, and Use of Chemical Weapons, Providing for Their Destruction, Imposing Penalties for Violations, and Appropriating Funds Therefor.”
“Tugon ng Pilipinas ang panukalang ito sa mga obligasyon ng bansa sa Chemical Weapons Convention (CWC), na tumututok sa pagwasak at pagbabawal ng chemical weapon sa buong mundo,” ayon kay Cayetano.
Sinabi ni Estrada na magiging fully compliant ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Prohibition of the Development, Production, Stockpiling, and Use of Chemical Weapons and Their Destruction.
Pinagtibay ng Senado ang ratipikasyon ng Convention nong Agosto 19, 1996 ngunit walang naisabatas ang Kongreso na isang pambansang lehislasyon na magpapatupad sa adhikain ng Chemical Weapons Convention.
“This is despite the fact that the Philippines was among the first countries to sign the Convention when it was opened for signature on January 13, 1993 – just 45 days after the UN General Assembly approved the same on November 30, 1992,” aniya.
Mula sa 193 States Parties to the Convention, 128 states ang nakalikha ng isang comprehensive national implementing legislation nitong Dec. 31, 2023.
“SB 2871 establishes regulatory framework through declaration and verification mechanisms for toxic chemicals, particularly scheduled chemicals or those with legitimate pharmaceutical, agricultural and industrial purposes, but can be diverted for the production of chemical weapons,” giit ng senador.
Nakatakda din sa panukala na itatalaga ang Anti-Terrorism Council (ATC) bilang Philippine National Authority sa Chemical Weapons Convention (PNA-CWC).
“Sila ang magiging pangunahing ahensya para sa pakikipag-ugnayan sa Organization for the Prohibition of Chemical Weapons (OPCW) at sa iba pang mga kasaping bansa upang matupad ang mga tungkulin ng Pilipinas sa kasunduan,” ayon naman kay Cayetano.
Sinabi pa ng senador na sakop din nito ang pagbabawal ng paghahanda para sa mga military operations na gumagamit ng chemical weapons, pagtulong o paghikayat sa gawain na ipinagbabawal ng kasunduan, at pag-export o pag-import ng mga Schedule 1 chemicals mula sa bansang hindi kasapi sa kasunduan.
Kasama ring ipinagbabawal ang paggamit ng riot control agents bilang sandata sa digmaan.
Matagal nang tumitindig si Cayetano laban sa “weapons of mass destruction.” Noong 2017, bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs, nilagdaan niya ang kasunduan laban sa nuclear weapons sa 72nd United Nations General Assembly sa New York.
“The world will only be safe if we eliminate all weapons of mass destruction,” ani Cayetano sa nasabing pagtitipon. Ernie Reyes