MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng ban sa mga taong tatayo sa parking slot para pag-reserba sa mga ito.
Ito ay kasunod ng video na kumalat sa social media kung saan tumayo ang isang babae para i-reserve ang parking slot sa sementeryo sa Las Piñas cemetery.
Binatikos ng mga netizen ang babae sa viral video.
Sa press briefing nitong Huwebes, Nobyembre 14, sinabi ni MMDA Chairman Don Artes na, “Pwedeng umabot sa sakitan, which yun yung gusto nating i-prevent. Huwag nang umabot sa ganon.”
Ayon sa MMDA, pinag-aaralan na ng ahensya ang ordinansa na magbabawal at magpaparusa sa pagtayo at pagreserba sa mga parking space sa Metro Manila.
Nang tanungin kung kailan planong ipatupad ang ordinansa, sinabi ni Artes na “As soon as possible.”
“Magco-coordinate tayo sa mga may-ari ng mga malls at mga private parking para ma-institutionalize ito at mapagbawalan.”
“Kalimitan doon din nag-aagawan sa mga private parking. Maganda naman ang ating relasyon sa mga malls. Tingin ko naman susunod sila, lalong-lalo na kung may ordinansa,” dagdag ni Artes.
May inihain nang kaparehong panukala sa Kamara na nag-aatas sa Land Transportation Office na parusahan ang mga taong magrereserba sa parking slots. RNT/JGC