Home NATIONWIDE Pagbangga ng foreign vessel sa Pinoy fishing boat sa WPS, kinondena ng...

Pagbangga ng foreign vessel sa Pinoy fishing boat sa WPS, kinondena ng ilang senador

MANILA, Philippines – Matinding kinondena nina Senador Grace Poe at Risa Hontiveros ang pagkamatay ng tatlong Fiipinong mangingisda matapos banggain ng dayuhang barko na naglalayag sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippines Sea (WPS).

Sa magkakahiwalay na pahayag, iginiit din nina Poe at Hontiveros na parusahan ang opisyal at may-ari ng Pacific Anna na nakarehistro sa Marshall Islands, saka singilin sa danyos perwisyo na idinulot nito sa pobreng mangingisda.

“We condemn in the strongest terms the death of three Filipino fishermen after their boat was rammed by a foreign vessel,” ayon kay Poe.

“I condemn in the STRONGEST POSSIBLE TERMS the ramming of ship Pacific Anna, registered in the Marshall Islands, into a Filipino fishing boat, KILLING THREE OF OUR CITIZENS,.” Susog ni Hontiveros.

Sinabi ni Poe na dapat maparusahan ang sinumang mapatutunayang may kasalanan, at hindi dapat makakaligtas ang sinuman sa ngipin ng batas.

Nanawagan din si Poe sa lahat ng maritime authorities na paramihin ang presensiya nito sa karagatan at mahigpit na imonitor ang barko o bangka ng Filipino na naglalayag sa lugar upang mangisda at matiyak ang kanilang kaligtasan.

“Nararapat ang dagdag na proteksyon lalo na sa maliliit nating mangingisda na naglalayag sa kabila ng panganib para lang mabuhay,” ayon kay Poe.

Inihayag naman ni Hontiveros na lantarang paghamak sa lahat ng Filipino ang ginawang pagbangga ng dayuhang barko sa loob pa mismo ang karagatan dahil inabandona nila ang naturang nalulunod na mangingisda.

“It is deplorable that the vessel left the Filipino fishing boat and our citizens in the water. This despicable act is an affront to all Filipinos,” ayon kay Hontiveros.

“I call on the authorities to leave no stone unturned. Kailangang mapanagot ang sinumang gumawa nito: sinuman sila, nasaan man sila. Hindi nila matatakasan ang batas,” giit pa ng mambabatas.

Sinabi ni Hontiveros na matagal nang lugar nang pangisdaan ang Bajo de Masinloc ng mangingisdang Filipino na pawang pag-aari o sakop ng teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

“Ito ay karagatang dapat malaya at ligtas sa lahat ng mga mangingisdang naghahanapbuhay,” aniya.

“I once again reiterate my call to increase the intel funds of the Philippine Coast Guard for the safety and security of our fellow Filipinos. Kailangang-kailangan ng PCG ng pondo para sa seguridad, na sya namang tunay na silbi ng intelligence funds,” paliwanag niya.

“Buong-puso ang aking pakikiramay sa lahat ng naiwan ng mga biktima. Kasalukuyang sumisikap mag-ugnay ang mga partner networks namin sa kanila. Sama-sama nating ipaglalaban ang katarungan para sa kanilang pamilya at para na rin sa kalayaan ng lahat ng mga mangingisda sa #WestPhilippineSea,” ayon pa kay Hontiveros. Ernie Reyes