Home NATIONWIDE Pagbasura sa impeachment case ni VP Sara ‘di pinapayagan ng Konstitusyon –...

Pagbasura sa impeachment case ni VP Sara ‘di pinapayagan ng Konstitusyon – Kiko

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator-elect Francis “Kiko” Pangilinan nitong Sabado, Hunyo 7, na hindi pinapayagan ng Konstitusyon ang Senado para ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

“Acquittal o conviction lang ang maaring pagpipilian na pasya ng mga senador bilang mga hukom. Kung walang sapat na ebidensya sa Trial, dapat acquittal. Conviction naman kung sapat ang ebidensya,” ani Pangilinan.

Ang pahayag ay kasunod ng balita na layon ng ilang draft resolution, kabilang ang kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na ibasura ang impeachment case dahil sa kakulangan ng oras.

Aminado si Dela Rosa na pinasimulan niya ang resolusyon na ibasura ang impeachment trial ni Duterte.

Ani Pangilinan, binibigyang mandato ng Konstitusyon na pagkatanggap ng impeachment complaint mula sa Kamara, dapat ay agad na mag-convene ang Senado sa isang impeachment court.

Matatandaan na inimpeach ng Mababang Kapulungan si Duterte noong Pebrero ngunit hindi matugunan ng Senado ang articles of impeachment habang naka-break ang Kongreso.

Nakatakdang basahin ng Senado ang articles of impeachment sa Hunyo 11 na huling session day bago mag-adjourn ang 19th Congress sa Hunyo 13.

Unang iniskedyul ni Senate President Francis Escudero ang pagbasa ng articles of impeachment noong Hunyo 2 ngunit inilipat din mismo niya.

Dahil dito ay nabahala ang ilang mambabatas at civil society organizations sa sinadya umanong pag-antala sa trial. RNT/JGC