MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Tax Appeals (CTA) ang pag-abswelto kina dating senator at boxing champ Manny Pacquiao at asawa nitong si Jinkee kaugnay sa P2.26-billion tax case.
Sa 68 pahinang en banc decision ng CTA, ibinasura ang petition for review ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na humihiling na mabaligtad ang desisyon nito noong 2022 at resolusyon nitong 2023 na pumapabor sa mga Pacquiao.
Nag-ugat ang kaso sa income tax assessment ng BIR na mayroon “underdeclared” income na P2.26 billion at value-added tax (VAT) sa local income na hindi nabayaran para sa taon 2008 at 2009.
Sa mga taon na iyon,si Pacquiao ay nasa rurok ng kanyang boxing career matapos talunin sina Miguel Cotto ng Puerto Rico at dating world champion Oscar De La Hoya.
Ayon sa CTA en banc, ang income tax assessment ay walang bisa dahil nalabag ang karapatan sa due process ng mga Pacquiao at sa kabiguan ng BIR na ipaalam sa mga Pacquiao ang basehan ng tax assessment.
“The taxpayer must be informed in writing of any discrepancies and be given the opportunity to explain and present evidence in an informal conference. This requirement ensures that taxpayers can clarify or contest the assessments before a formal demand is issued,” sinabi ng korte.
Walang naipakitang ebidensya na magpapatunay na nabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na lumahok sa informal conference na isinasaad sa regulasyon. TERESA TAVARES