Home NATIONWIDE Pagbawas ng VAT, iginiit ni Leviste dahil sa mataas na presyo ng...

Pagbawas ng VAT, iginiit ni Leviste dahil sa mataas na presyo ng langis

129
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ang matinding pagtutol sa mataas na presyo ng langis sa Pilipinas, na aniya ay isa sa pinakamataas sa Asya.

Ayon sa kanya, ang dahilan nito ay ang mataas na buwis, partikular ang 12% value-added tax (VAT) na ipinapataw sa langis at iba pang bilihin.

“Ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na presyo ng langis sa Asya dahil sa buwis na pinapataw ng ating gobyerno,” ani Leviste.

Dagdag niya, habang ang ibang bansa ay nagbibigay ng subsidiya para pababain ang presyo ng langis, sa Pilipinas ay may dagdag na VAT na nagpapamahal sa produkto.

“Malinaw ang solusyon: Ibaba ang VAT sa 10 percent para sa lahat ng bilihin, o isuspinde ang VAT sa langis,” aniya.

Giit niya, mas epektibo ang pagbabawas ng buwis kaysa sa pag-asa lamang sa ayuda ng gobyerno, at ito ay usapin ng political will.

“Kapag gusto ng gobyerno, may paraan, tulad ng pagbawas ng gastos at pangongolekta ng mas progresibong buwis,” dagdag niya.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin niya na ang Pilipinas ang may pinakamataas na VAT sa Southeast Asia at dapat itong ibaba upang makatulong sa mga pamilya.

Ayon sa kanyang pagtataya, kung ibababa ang VAT mula 12% tungong 10%, aabot sa ₱250 bilyon ang mawawalang buwis, katumbas ng humigit-kumulang ₱9,000 kada taon o ₱750 kada buwan para sa bawat pamilya.

Iminungkahi rin niya ang pagpapalit ng VAT sa wealth tax na ipapataw lamang sa mayayamang indibidwal, alinsunod sa prinsipyo ng progresibong pagbubuwis sa Saligang Batas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here