MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang isang panukalang batas na naglalayong bawasan ng kalahati ang remittance fees ng mga overseas Filipino workers (OFWs) upang maprotektahan ang kanilang pinaghirapang kita laban sa labis na singil at hindi patas na gawain.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1074 o ang Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act, inaatasan ang mga bangko at non-bank financial intermediaries na magbigay ng 50% diskuwento sa remittance fees.
Bilang insentibo, maaari namang ibawas sa kanilang buwis ang halagang katumbas ng ibinigay na diskuwento bilang bahagi ng kanilang operational expenses.
Ayon kay Estrada, aabot sa $38.34 bilyon ang naitalang remittances ng OFWs noong 2024, tatlong porsiyentong mas mataas kumpara noong 2023, na bumubuo sa 8.3% ng gross domestic product at 7.4% ng gross national income ng bansa.
“This is a win-win situation for our OFWs and their families, as well as for banks and remittance centers,” pahayag ni Estrada.
“Ang pinakamaliit nating magagawa ay masiguro na ang bawat pisong ipinapadala nila ay buo at hindi nababawasan ng sobra o hindi makatarungang singil.”
Bukod sa regulasyon sa bayarin, layon din ng panukala na palakasin ang kaalaman ng mga OFW at kanilang pamilya sa usaping pinansyal sa pamamagitan ng mga libreng pagsasanay at financial literacy programs.
Inaatasan din ang mga remittance center na malinaw na ipaskil ang peso-equivalent exchange rates upang maiwasan ang nakatagong singil.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang hindi awtorisadong kaltas, maling paggamit ng pondo, at anumang pagtaas ng singil nang walang kaukulang konsultasyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ang sinumang lalabag ay maaaring makulong ng hanggang anim na taon at pagmultahin ng mula P50,000 hanggang P750,000, bukod pa sa iba pang parusa sa ilalim ng umiiral na batas sa pagbabangko. RNT/JGC