Home NATIONWIDE Pagbibigay-awtoridad sa NFA na bumili, magbenta ng bigas oks sa DA

Pagbibigay-awtoridad sa NFA na bumili, magbenta ng bigas oks sa DA

MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Linggo na sinusuportahan nito ang panukala na ibalik ang awtoridad ng National Food Authority (NFA) na bumili ng bigas at ipagbenta ito sa mas murang halaga.

Sinabi ito ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa matapos ilahad ni Speaker Martin Romualdez nitong Martes na magpapasa ng panukala ang Kamara na mag-aamyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) at papayagan ang NFA na bumili at magbenta ng bigas.

“Kami sa DA, susuportahan namin ‘yan dahil nakita namin ang kakulangan talaga na ang ating pamahalaan ay makaresponde sa mga pagkakataon na masyadong nagmamahal [ang presyo ng bigas],” pahayag ni de Mesa sa isang panayam.

Batay sa pinakabagong datos ng DA, ang presyo ng local regular milled rice ay P50 kada kilo, at P48 hanggang P55 kada kilo para sa local well-milled rice.

Sa imported commercial rice, ang regular milled rice ay P48 hanggang P51 kada kilo, habang ang well-milled rice ay P51 hanggang P54.

Sakaling matuloy ang plano ni Romualdez, umapela naman si de Mesa sa NFA na huwag ibenta ang bigas nang sobrang mura. Kung ang umiiral na presyo ay P50 kada kilo, iminungkahi ng DA official sa NFA na ibenta ito sa presyong nasa P40 kada kilo.

“‘Wag masyadong mababa ang presyo ng ibebenta kagaya ng P25 [per kilo] kasi masyadong malulugi nang malaki ang NFA. ‘Yan din kasi ang isa sa reasons kung bakit naipasa ang RTL na ini-alis ang kapangyarihan, dahil ang laki ng lugi ng NFA,” dagdag niya.

Samantala, nang tanungin kung posibleng maranasan ng mga Pilipino ang P25 kada kilong bigas, sinabi ni de Mesa na depende pa ito kung bababa ang halaga ng pag-produce ng bigas.

“’Yan lang naman talaga ang nagiging isyu kung bakit mahal ang bigas. Kumpara sa ibang bansa, mahal pa rin ang ating cost to produce ng palay at ang post-harvest losses natin ay mataas pa rin,” paliwanag ng opisyal. RNT/SA