MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng guarantee letters para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) mula Disyembre 1 hanggang sa katapusan ng 2025.
Sa panayam nitong Sabado, Nobyembre 29, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na ang suspensyon ay ipatutupad kasabay ng pagsasara ng accounting books sa katapusan ng 2025.
“Bago magsara ang ating accounting books ay [kailangan] ma-settle po natin o mabayaran itong ating service providers para hindi po tayo papasok ng susunod na taon na mayroon tayong mga accounts payable na kailangan itong isip,” ani Dumlao.
Ang AICS program ay kasalukuyang mayroong dalawang uri ng financial assistance, ito ay ang
outright cash assistance at guarantee letters.
Kung pipiliin ng benepisyaryo ang guarantee letters para sa Disyembre, maaari pa ring magpasa ang mga ito ng promissory note para sa GL na ilalabas sa Enero 2026.
Habang suspendido ang GL, ani Dumlao, maaari pa ring magbigay ang DSWD ng P10,000 halaga ng outright cash.
“[Kahit may suspension,] hindi nangangahulugan na titigil ang pagbigay natin ng tulong sa ilalim ng AICS program sapagkat mayroon pa tayong outright cash… Ma-provide po natin ang request na tulong sa ating assistance,” aniya.
Samantala, iginiit ni Dumlao na ang suspensyon ay ginagawa taon-taon bilang bahagi ng kanilang taunang yearend financial closing.
“Taon-taon natin ginagawa [ito]. ‘Yan lang pinapaliwanag ulit sa ating mga kababayan… Hindi [sana] magkaroon ng misinterpretation at wala information na lalabas na pumigil ang programa. Hindi po, patuloy pa rin ang programa,” sinabi pa ng opisyal. RNT/JGC