CAUAYAN CITY, Isabela – Mag-uumpisa na bukas, Mayo 6, 2025 ang National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS sa pagpapatubig para sa wet cropping season calendar.
Ayon kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, nagpapatuloy ang maintenance at natapos na ang pagsasaayos sa mga irrigation canals na dadaluyan ng patubig mula sa Magat Dam papunta sa 90,000 ektaryang palayan.
Layunin ng isinasagawang maintenance at repair na mapabuti ang daloy ng tubig sa irigasyon at mas episyente ang patubig sa mga sakahan ngayon wet cropping season calendar.
Tiniyak ang kahandaan ng NIA-MARIIS sa pag-uumpisa ng pagpapatubig nila sa mga sakahan sa ika-anim ng Mayo habang sa ika-sampu ng Mayo ay maaaring naabot na ang pinakababang mga sakahan sa kanilang nasasakupan.
Patuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat Dam kahit tuloy-tuloy ang pagpapakawala ng tubig para sa power generation kaya tiyak na magiging sapat ang patubig sa wet cropping season calendar dahil sa tuwing hapon ay mayroon pag-uulan.
Samantala, pinag-iingat ang publiko lalo malapit sa ilog na posibleng maabot ng tubig at iwasan muna ang maligo dahil sa biglang pag-apaw dahil sa pagbubukas ng tubig. REY VELASCO