Home METRO Modernong proyekto tugon sa baha, basura sa Pasig – Discaya

Modernong proyekto tugon sa baha, basura sa Pasig – Discaya

Pasig City, Philippines – Nagpahayag si mayoral aspirant Sarah Discaya na isa sa kanyang mga pangunahing programa ang magpatayo ng modernong waste facility at flood control projects upang maibsan ang pangamba ng mga residente sa lungsod na ito sa tuwing nalalapit ang tag-ulan.

Ayon kay Discaya, importante na magkaroon ng maaasahang waste facility na may epektibong proper waste management at sapat na flood control projects ang Pasig upang maiwasan ang pagbaha.

“Ayaw na nating maging normal ang pagbaha tuwing tag-ulan sa Pasig. Kaya sa tulong ng moderno waste management at maayos na flood control systems, siguradong ligtas ang bawat Pasigueño sa panahon ng sakuna,” pahayag ni Discaya.

Ang platapormang ito ng mayoralty aspirant ay hugot sa kanyang sariling karanasan noong Bagyong Ondoy na kung saan napilitan umano siyang suungin ang baha sa lungsod ng Pasig upang makuha lamang ang hiniram niyang perang panggastos sa pangangailangan ng kanyang mga anak.

Ito umano ang dahilan kung bakit nais niyang magkaroon ng ‘smart waste facility’ at flood control projects dahil ang Pasig ay isang flood-prone area.

“Hindi na dapat maulit ang matinding pagbaha tuwing tag-ulan sa Pasig. Kaya’t gusto natin ng isang flood control platform na may konkretong aksyon, mula dredging ng mga estero, pag-aayos ng drainage, at paggamit ng makabagong teknolohiya para maagapan ang baha,” dagdag pa niya.

Sinabi pa niya na mahalaga umano ang mga ito upang mapahalagahan ang kalusugan ng mga Pasigueno at maiwasan ang mga sakit na karaniwang dinudulot ng pagbaha tulad na lamang ng leptospirosis.

Ang leptospirosis ay nagmumula sa ihi ng mga hayop na siyang kumakalat tuwing tag-ulan at may mga pagbaha.

“Magtulungan sana tayo upang gawing ligtas, malinis, at handa ang Pasig ngayong darating na tag-ulan,” pagtatapos ni Discaya.

Isa lamang ang ‘smart waste facility’ na ito sa proyektong ‘smart city’ ni Discaya na kinabibilangan ng ‘smart schools’ at ‘smart hospitals.’ RNT