Home NATIONWIDE Pagdami ng Chinese ships tuwing may resupply mission sa Ayungin naobserbahan ng...

Pagdami ng Chinese ships tuwing may resupply mission sa Ayungin naobserbahan ng PH

MANILA, Philippines- Kapansin-pansin ang pagdami ng Chinese ships tuwing nagsasagawa ng rotation and resupply mission (Rore) para sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) official nitong Huwebes.

“Our observation is when it’s time for Rore, they usually surge their numbers and presence in Ayungin Shoal,” pahayag ni AFP Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos sa isang panayam.

Sa resupply mission nitong Martes, mayroong tatlong People’s Liberation Army-Navy warships, limang China Coast Guard ships, at 18 hinihinalang Chinese maritime militia (CMM) vessels sa vicinity waters ng Ayungin Shoal, kung saan matatagpuan ang World War II-era warship, batay sa Philippine Navy.

Sa panig ng Pilipinas, inihayag ng Navy na mayroong dalawang Navy warships, dalawang Philippine Coast Guard vessels, at dalawang resupply boats.

Subalit hanggang nitong Huwebes ng umaga, sinabi ni Carlos na mayroon lamang dalawang CMM vessels at isang CCG ship sa bisinidad ng low-tide elevation.

“That’s their normal number, since the Rore is already done,” wika ni Carlos. “Immediately after the Rore, they’re back to their normal level of presence there.”

Nakita rin sa pinakabagong Rore ang water cannon assault ng dalawang CCG vessels laban sa supply boat para sa military outpost kung saan sugatan ang apat na Navy personnel.

Batay ang mga aksyong ito sa pag-angkin ng Beijing sa halos kabuuan ng South China Sea—kabilang ang malaking bahagi ng West Philippine Sea—na mariing ibinasura ng 2016 international tribunal ruling. RNT/SA