Home NATIONWIDE Pagdinig ng RBH 6, tututok sa economic provisions, walang politika – Angara

Pagdinig ng RBH 6, tututok sa economic provisions, walang politika – Angara

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Edgardo “Sonny” Angara na tututukan lamang sa pagdinig ng  Resolution of Both Houses (RBH) No. 6  ang tatlong panukalang   amendments sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa pahayag, sinabi ni Angara, chairman ng sub-committee on on Constitutional Amendments and Revision of Codes matapos tuluyan nang “pinatay” ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng pagkilos sa pekeng peoples’ initiative ni House Speaker Martin Romualdez.

“No discussion of political amendments,” Angara sa kanyang Viber message sa reporters.

Aniya, limitado ang diskusyon sa nilalaman ng   RBH 6 na inihain nito kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate President Pro Tempore Loren Legarda.

“Maganda yung gagawin ng Senado dahil limitado lamang sa economic amendments ito. Di katulad ng PI na walang limitasyon sa amyenda kung sakaling maamyendahan ang paraan ng botohan sa pagamyenda ng saligang batas. Hindi tatalakayin ng ating sub committee ang amyendang pampulitika,” ani Angara.

Tiniyak din ni Angara na kakatawan ang lahat ng sektor kabilang ang ilang constitutional experts bilang resource persons.

“We will invite a wide sector of society and the political spectrum to ensure healthy discussion and debate,” aniya.

Naglalaman ang RBH 6 ng panukalang amyendahan ang  Section 11 of Article XII o ang National Patrimony and Economy; Paragraph 2, Section 4 of Article XIV o ang Education, Science and Technology, Arts, Culture, and Sports; at Paragraph 2, Section 11 of Article XVI o ang General Provisions.

Naunang inihayag ni Zubiri na kailangan maging “constitutionalize” ang Public Services Act na kasalukuyang dinidinig ngayon sa  Supreme Court at mapapagaan ang regulasyon upang payagan ang mas maraming dayuhang investments sa bansa.  Ernie Reyes