Home METRO Paggamit ng drones sa ruta ng Traslacion bawal 

Paggamit ng drones sa ruta ng Traslacion bawal 

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng National Capital Region Police (NCRPO) nitong Martes ang publiko na ipinagbabawal ang paggamit ng drone bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang mapayapang pagdiriwang ng Traslacion o ang Kapistahan ni Jesus Nazareno sa Jan. 9.

Sinabi ni NCRPO chief Brig. Gen. Anthony Aberin na bahagi ito ng deklarasyon ng ruta ng Traslacion bilang no-fly zone.

Magsisimula ang prusisyon sa Quirino Grandstand, kakanan sa Katigbak Drive (left side), kanan sa Padre Burgos Street sa pamamagitan ng Finance Road, diretso sa Ayala Bridge, kaliwa sa Palanca Street, kanan sa Quezon Boulevard, kanan sa Arlegui Street, kanan sa Fraternal Street, kanan sa Vergara Street, kaliwa sa Duque de Alba Street, kaliwa sa Castillejos Street, kaliwa sa Farnecio Street, kanan sa Arlegui Street, kaliwa sa Nepomuceno Street, kaliwa sa Concepcion Aguila Street, kanan sa Carcer Street, kanan sa Hidalgo sa pamamagitan ng Plaza del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo sa pamamagitan ng Gonzalo Puyat, kaliwa sa JP de Guzman Street, kanan sa Hidalgo Street, kaliwa sa Quezon Boulevard, kanan sa Palanca Street sa pamamagitan ng ilalim ng Quezon Bridge, kanan sa Villalobos sa Plaza Miranda, at huli sa Quiapo Church.

Gayundin, idineklara ng Philippine Coast Guard na no-sail zone ang malapit sa Quirino Grandstand mula Jan. 6 hanggang 10.

“After months of meticulous security planning and preparation, your NCRPO, together with partner agencies, is now ready to perform our task of securing the Feast of Jesus Nazareno 2025. I urge everyone to work together for a safe, secure, and solemn celebration,” pahayag ni Aberin.

Aniya, mahigit 14,000 NCRPO personnel at reinforcements mula sa ibang rehiyon at ahensya ang idineploy para sa annual religious observance.

Umarangkada ang tradisyunal na “pahalik” ng Jesus Nazareno sa Quirino Grandstand nitong Lunes ng gabi matapos mapansin ng Quiapo Church officials ang pagdagsa ng mga deboto sa venue. RNT/SA