Home NATIONWIDE ‘Paggamit’ ng ‘mentally challenged person’ para sa negatibong pangangampanya sa Pasig City...

‘Paggamit’ ng ‘mentally challenged person’ para sa negatibong pangangampanya sa Pasig City tinatalupan ng DSWD

MANILA, Philippines- Iniimbestigahan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung ang isang mentally challenged individual ay ginamit para sa negatibong pangangampanya laban sa isang lokal na kandidato sa Pasig City bago pa ang 2025 elections.

Sa isang video na naka-upload sa isang Facebook page na tinatawag na “The Journal Pasig” itinatampok ang isang babae na nagpapatotoo laban sa isang kandidato sa lungsod.

Gayunman, ang pamangkin ng isang 77-anyos na babae sa video ay galit na galit sa mga tao na nasa likod ng video dahil sinamantala ang kapansanan ng kanyang tiyahin.

“Dismayado since hindi siya totally aware sa video at hindi siya aware na ipo-post yun kaya super disappointed, especially PWD ang tita ko. Kaya na-take advantage ang kahinaan niya para gumawa, turuan ng masama,” ang sinabi nito.

Ang matandang babae sa pamilya ay nagpahayag na siya ay may 10 taon nang naggagamot. Nag-aalala ang mga ito sa kanyang kondisyonna maaaring lumala kapag siya ay nakisali sa tensyon sa lokal na politika.

“Sana iwasan natin yung mga dirty tactics, sana lumaban tayo ng patas. Huwag tayo gumamit ng tao para suportahan tayo in a way na medyo hindi maganda,” ang sinabi ng kanyang pamangkin.

Sa kabilang dako, binista naman ng DSWD’s fact-finding team at ilang tauhan mula sa National Council on Disability Affairs ang matandang babae sa kanyang bahay.

Sinabi ng departamento na ang paggamit sa ‘mentally challenged person’ sa video ay maaaring ikonsidera bilang ‘exploitation at pang-aabuso sa isang person with disability.

“We will treat that as exploitation and abuse of the person with disability and if proven true, we will see to it that the Department takes the lead in filing appropriate charges against the people behind this allegation,” ayon sa DSWD sa isang kalatas.

Idagdag pa rito, maaari rin umanong kasuhan ang uploader para sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, na magbibigay-proteksyon din sa mentally challenged individuals.

Magbibigay din ang departamento ng psychosocial assessment sa babae sa video.

Ang pamilya ng babae ay dapat ding magdesisyon kung maghahain ang mga ito ng reklamo laban sa video uploader. Kris Jose