MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Supreme Court na ang paggamit ng mga karaniwang terminong pampamilya tulad ng “pamangkin” o “tiyuhin” sa impormasyon sa kasong kriminal ay sapat na para ipaalam sa akusado ang uri ng kaniyang relasyon sa biktima lalo na kapag ang relasyong iyon ay ika-qualify ang krimen o magpapataas ng parusa nito.
Sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, pinagtibay ng Supreme Court En Banc ang hatol na guilty kay BBB para sa qualified rape of a minor.
Kinasuhan si BBB ng rape dahil sa pang-aabusong sekswal sa isang walong taong gulang. Nakasaad sa Information o charge sheet na ang biktima ay kanyang sariling pamangkin.
Tumestigo ang biktima na ang kanyang tiyuhin sa ina na si BBB ay kinaladkad siya sa isang kubo, hinubaran, at nakipagtalik sa kanya ng tatlong beses.
Matapos ang panghahalay ay pinagbantaan siya nito na papatayin ang kanyang mga magulang kapag nagsumbong. Muling hinalay ni BBB ang biktima pagkalipas ng tatlong taon.
Hinatulang guilty ng Regional Trial Court si BBB sa statutory rape qualified by relationship at nagpataw ng mas mataas na parusa dahil sa relasyon nito sa biktima.
Pero ibinaba ng Court of Appeals (CA) ang krimen sa statutory rape dahil hindi ginamit ang mga salitang “relative within the third civil degree” sa criminal charge.
Sumang-ayon sa RTC ang Korte Suprema at kinatigan ang hatol kay BBB ng statutory rape qualified by relationship.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, nangyayari ang statutory rape kapag ang isang lalaki ay nakipagtalik sa isang batang babae na wala pang 12 taong gulang, kahit na walang kasamang puwersa, pagbabanta, o pananakot.
Ang krimen ay qualified o tinataasan ang parusa kapag ang nagkasala ay isang magulang, ascendant, step-parent, guardian, relative by consanguinity o affinity within the third civil degree, o ang common-law spouse ng magulang ng biktima.
Sinabi ng Korte Suprema na ang paggamit ng mga karaniwang termino na malinaw na tumutukoy sa relasyon ay sapat na upang ipaalam sa mga akusado at panindigan ang pagiging patas at angkop na proseso.
Sa kasong ito, hayagang sinabi ng Information na ang biktima ay sariling pamangkin ni BBB. Bagama’t hindi nito tinukoy ang eksaktong antas ng kanilang relasyon, malinaw na inilarawan ang kanilang koneksyon sa ordinaryong wika.
Si BBB ay pinatawan ng pagkabilanggo hanggang 40 taon at at walang eligibility sa parole. Inatasan din siyang magbayad ng PHP 300,000 bilang danyos. TERESA TAVARES