MARIKINA City — Nakatakdang maghain ng kasong contempt si Marikina 1st District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro laban sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa Marikina dahil sa pagkaantala ng kanyang proklamasyon, sa kabila ng pagkakaroon ng certificate of finality mula sa Comelec en banc na kumikilala sa kanyang pagkapanalo bilang kinatawan sa Kongreso.
Kabilang sa sasampahan ng kasong administratibo, dereliction of duty, graft, at grave abuse of discretion ni Teodoro si Atty. Dave Villarosa, ang election officer ng Marikina, dahil sa umano’y paglabag sa kautusan ng Comelec.
Ang pahayag ni Teodoro ay ginawa matapos siyang makapanumpa kay RTC Branch 273 Judge Romeo Dizon Tagra, kasunod ng kanyang proklamasyon bilang duly elected congressman ng First District ng Marikina ngayong umaga, Hulyo 1, 2025.
Ayon kay Teodoro, inihahanda pa lamang nila ang kanilang reklamo dahil kung nangyari ito sa kanila, maaari itong maulit sa iba pa.
Aniya, ang pagkaantala ay nagdulot ng sakit hindi lamang sa kanya kundi maging sa mga constituents na pansamantalang naiwan nang walang kinatawan sa Kongreso. Kaya’t dapat aniyang managot ang mga responsable, lalo na kung mapapatunayang may pagkukulang, malisya, o sadyang ginawang pag-antala nang walang sapat na batayan.
Wala rin umanong legal na basehan ang hinihingi ng Comelec na three-day period bago mag-convene at magproklama. Wala rin aniya itong nakasulat sa anumang patakaran ng Comelec, kaya’t malinaw umanong may arbitrariness sa naging desisyon.
Una nang naglabas ng desisyon ang Comelec en banc na nagdedeklarang final and executory ang reinstatement ni Teodoro sa kanyang congressional candidacy. Binaligtad nito ang desisyon ng Comelec First Division at pinayagan ang mga consolidated motions for reconsideration, at tinanggihan ang petisyon nina Aquilino “Koko” Pimentel III, Katrina Mari Faye Marco, Angelu Estanislao, at Ma. Luisa de Guzman na kanselahin ang certificate of candidacy ni Teodoro.
Sa 38-pahinang resolusyon ng Comelec en banc na inilabas noong Hunyo 25, lumalabas na hindi napatunayan ng mga petitioner na nagkaroon ng material misrepresentation si Teodoro sa kanyang residency sa Barangay San Roque, First District.
Si Teodoro ang nanalo sa halalang ginanap noong Mayo 12, kung saan nakakuha siya ng 75,062 boto laban kay Pimentel para sa pagka-kinatawan ng Marikina First District.