Home OPINION PAGKAIN NG TIKOY SA BISPERAS NG CHINESE NEW YEAR

PAGKAIN NG TIKOY SA BISPERAS NG CHINESE NEW YEAR

KAPAG sumasapit ang Chinese New Year, isa sa mga hindi puwedeng makalimutan sa hapag kainan ay ang “Tikoy” o swee­tened rice cake sa wikang English at “Nian gao” naman sa Chinese.

Madalas na ito rin ang ipinangreregalo ng isang Chinese sa kanyang mga kaibigan, trabahador at mga kakilala. May paniniwala kasing nagdadala ng suwerte ang pagkakaroon at pagkain nito sa pagsapit ng Bagong Taon.

Bagama’t maaari itong kainin sa buong taon, ayon sa kaugalian, ito ay pinakasikat sa panahon ng Chinese New Year.

Itinuturing na suwerte ang pagkain ng TIKOY na ang ibig sabihin ay “malagkit” at may simbolismo ng pagtaas ng sarili sa bawat darating na taon o pagkamit ng bagong tagumpay sa darating na taon.

Ayon sa paniniwala ng mga Chinese, iniaalay ang tikoy sa kitchen god na si Zao Jun na nagbibigay proteksyon sa puso at sa pamilya.

Kaya may pag-aalay ng tikoy ay para mapatigil sa pagsusumbong ang kitchen god kay Jade Emperor ukol sa ginawa ng isang pamilya, nang sa ganu’n ay hindi sila maparusahan.

Pinaniniwalaang nagsimula ang pagkain ng tikoy sa panahon ng Northern at Southern Dynasties mula 386 A.D. hanggang 589 A.D.

Nakarating ito sa Pilipinas sa pagsisimula ng maramihang pagdating ng mga Chinese sa Pilipinas at kanilang paninirahan dito noong 1594.

Maraming bersyon ng paghahanda ng tikoy, mula sa tradis­yunal na pagprito matapos isawsaw sa binateng pula ng itlog, ito ay nilalahukan na rin ng langka, pritong saba, laman ng niyog, mani, tsokolate o kaya ay ice cream.

Kinakailangang magpasalamat tayo kapag may nagbibigay sa’yo ng tikoy dahil hinahangad ng nagbibigay nito ang isang masaganang buong taon para sa buong mag-anak.

Marami rin ang nagtatanong sa inyong Agarang Serbisyo Lady kung magiging masuwerte o malas daw ba sila sa pagpasok ng taon ng Wood Dragon.

Sa paniniwala ng mga Chinese, may kinalaman ang iba’t ibang elemento, kinalalagyan ng mga bituin, at mga puwersa ng kalikasan kung magiging masuwerte o hindi ang bawat araw.

Simula sa Pebrero 10, sisimulan natin pag-usapan ang “Ala­min ang inyong kapalaran” at “Kailan ang Good o Bad Days?” ayon sa inyong animal sign.