Home HOME BANNER STORY Pagkakaaresto kay Digong tinawag na ‘unlawful arrest’ ni Panelo

Pagkakaaresto kay Digong tinawag na ‘unlawful arrest’ ni Panelo

MANILA, Philippines – “It’s unlawful arrest.”

Ganito kung ilarawan ni dating presidential spokesman Salvador Panelo ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte para sa sinasabing krimen laban sa sangkatauhan.

Ang katuwiran ni Panelo, hindi man lamang kasi pinayagan ng Philippine National Police (PNP) ang sa isa mga abogado ni Digong Duterte na makita at makausap ito sa airport at kuwestiyunin ang legal na basehan para sa pag-aresto sa dating Pangulo.

Pinagkaitan din aniya ng legal representation si Digong Duterte nang arestuhin ito.

“The PNP could not have a hard copy if the warrant arrest. By not allowing one of his lawyers to meet him, the arresting could avoid being asked if they have the hard copy of the arrest warrant,” ayon kay Panelo.

“It is an illegal arrest because the ICC arrest warrant comes from a spurious source, the ICC, which has no jurisdiction over the Philippines,” aniya pa rin.

Ang naging pagkilos ng gobyerno ang magiging dahilan naman upang ang arresting team at ang mga public officials na nag-utos ng pag-aresto ay maging ‘criminally liable.’

Nauna rito, sinalubong ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte para sa krimen laban sa sangkatauhan.

Sa kalatas na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO) sinabi nito na kaninang madaling araw pa natanggap ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa ICC.

Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” ang nakasaad sa kalatas ng PCO.

Sa ngayon, ang Pangulo ay dinala sa 250th Presidential Airlift Wing sa loob ng Villamor Airbase. Kris Jose