Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 12 senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Santa Rosa City, Laguna sa Sabado (Marso 22, 2025). Hindi sumali sa sortie sina Senator Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar sa ikalawang sunod na araw. Cesar Morales
MANILA, Philippines – Nagpahayag si Leody de Guzman ng kanyang pagdududa sa sinasabing pagkakaisa ng 11 kandidato sa Senado ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Ayon sa kanya, may hindi pagkakaunawaan sa grupo, bumababa ang ranggo sa mga survey, at wala silang tunay na malasakit sa mga manggagawa.
“Walang naniniwala na solido’t nagkakaisa ang koalisyon ng administrasyon. Patunay dito ay ang pagkakaiba-iba nila ng pananaw sa pagkaka-aresto kay sa dating Pangulo, at ang resulta ng iba’t-ibang survey na pababa ang ranking ng kanilang mga kandidato,” ayon sa pahayag ni De Guzman.
Tinawag niya ang alyansa bilang “pagkakaisa ng mga traydor at tirador” na ginagamit lang ang isa’t isa para sa pansariling ambisyon.
“Kung may unity nga sila, unity ito ng mga traydor at tirador dahil nag gagamitan lamang sila para sa kanilang sariling ambisyon. Pero kailanman ay hindi nila ka-unity ang manggagawa’t mamamayan dahil sa kawalan nila ng aksyon sa mahahalagang usapin gaya ng dagdag sahod, legalisasyon ng manpower agencies, runaway inflation at climate crisis,” dagdag pa ng senatorial candidate.
Giit niya, mas marami na ngayong mamamayan, lalo na ang kabataan, ang sumusuporta sa mga progresibong bagong kandidato. RNT