Home METRO Pagkaligalig ng Kanlaon, ibinabala ng PhiVolcs

Pagkaligalig ng Kanlaon, ibinabala ng PhiVolcs

216
0

NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Nakapagtala ang Phivolcs ng 62 volcano-tectonic (VT) earthquakes sa Kanlaon Volcano mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-7:30 ng gabi noong Miyerkules, dahilan upang maglabas ng abiso sa tumataas na seismic activity at magpaalala sa publiko na manatiling mapagmatyag.

Ayon kay Phivolcs resident volcanologist Mari-Andylene Quintia, ang mga lindol ay may lakas na ML 0.6 hanggang ML 3.9 at nagmula sa lalim na hanggang 13 kilometro sa hilagang-kanlurang bahagi ng bulkan.

Ang pinakamalalakas na lindol ay naramdaman sa Intensity I hanggang IV sa La Carlota City, Bago City, Bacolod City, Canlaon City, at iba pang lugar sa Negros.

Ipinaliwanag ni Quintia na ang VT earthquakes ay dulot ng pagbitak ng mga bato, na palatandaan ng pag-angat ng magma o gas patungo sa ibabaw.

Iniulat din ng Phivolcs na ang sulfur dioxide emissions ng Kanlaon ay umabot sa 1,248 tonelada noong Martes, habang umabot ito sa 4,126 tonelada noong Enero 9.

Ayon sa Phivolcs, maaaring magdulot ang pagtaas ng aktibidad ng phreatic o bahagyang hanggang katamtamang pagsabog, na posibleng maglabas ng pyroclastic density currents, ashfall, at iba pang mapanganib na epekto.

Nananatili ang Alert Level 2 sa Kanlaon. Mariing pinapayuhan ang mga residente sa loob ng 4-kilometrong permanent danger zone na manatiling lumikas, habang ang mga nasa loob ng 6-kilometrong radius ay dapat maging handa sakaling lumala ang sitwasyon.

Pinayuhan din ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil delikado ang volcanic ash sa mga sasakyang panghimpapawid. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here