Home NATIONWIDE Pagkansela sa business permit ng PrimeWater sa Surigao City, suportado ng Sangguniang...

Pagkansela sa business permit ng PrimeWater sa Surigao City, suportado ng Sangguniang Panlungsod

273
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod (SP) ng Surigao City ang isang resolusyon na nagbibigay ng awtoridad kay Mayor Paul Yves Dumlao upang kanselahin ang business permit ng PrimeWater Infrastructure Corporation.

Ang hakbang ay bunsod ng patuloy na problema sa serbisyo ng PrimeWater, kabilang ang insidente ng sunog sa Barangay Taft noong nakaraang buwan na naging sentro ng batikos laban sa water service provider.

Sa naturang insidente, nabigo umanong magbigay ng tubig ang fire hydrant na sakop ng PrimeWater habang rumeresponde ang mga bumbero sa sunog.

Dahil dito, nahirapan ang mga awtoridad na makakuha ng sapat na suplay ng tubig upang mapigilan ang pagkalat ng apoy.

Ayon sa mga lokal na opisyal, ilang ulit umanong tinawagan ang PrimeWater upang i-activate ang hydrant ngunit wala umanong agarang tugon ang kompanya.

Ipinahayag naman ni Barangay Taft Kagawad Pablo Bonono ang kanyang pagkabahala, sabay sabing inaasahang magsisilbing mahalagang pinagkukunan ng tubig ang hydrant subalit bigo itong gumana sa oras ng pangangailangan.

Sa pahayag ng PrimeWater sa social media, inamin ng kompanya na nagkaroon ng technical difficulty ang fire hydrant ngunit hindi nagbigay ng detalye kung ano ang sanhi ng aberya at kung paano ito maiiwasan sa hinaharap.

Kasunod ng insidente, kumilos ang Surigao Metropolitan Water District (SMWD) at sinimulan ang proseso ng pagwawakas sa Joint Venture Agreement (JVA) nito sa PrimeWater.

Kinumpirma ni SMWD General Manager Benjamin Ensomo Jr. na nakapagpadala na sila ng pre-termination letter sa kompanya dahil sa umano’y hindi pagtupad sa mga obligasyon at patuloy na pagkukulang sa serbisyo.

Nakasaad sa resolusyon ng SP na binibigyang kapangyarihan si Mayor Dumlao na bawiin ang business permit ng PrimeWater dahil sa kabiguan nitong magbigay ng maayos at tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa mga residente ng lungsod.

Ilang opisyal ng lungsod ang nagpahayag ng pagkadismaya sa serbisyo ng PrimeWater na umano’y nagdulot ng matagal nang problema sa intermittent water supply at mababang water pressure.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang PrimeWater hinggil sa posibleng pagkansela ng business permit nito, bagama’t iginiit ng kompanya ang pangakong aayusin ang mga teknikal na problemang nagdulot ng aberya sa fire hydrant. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here