MANILA, Philippines- Nakatakdang imbestigahan ng Senado ang cost-benefits analysis ng Philippine Inland Gaming Operators (PIGOs) licenses na ibinigay ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) kung kailangan pang ituloy ang online gaming operations na madaling magamit ng pangkaraniwarang Filipino, ayon kay Senate President Francis “Chiz” G. Escudero.
Sinabi ni Escudero na hindi napansin ang operasyon ng PIGO sa gitna ng kontrobersiya na bumabalot sa Philippine Offshore Gaming Operators or POGOs at nagpahayag ng pag-aalala dahil magkatulad ito sa POGO na pawang kliyente ang local na sugarol.
“Ang POGO, mga dayuhan ang nagsusugal diyan, dayuhan ang nasisira ang pamilya, nalululong sa sugal, nawawalan ng pera dahil sa sugal. Pinagbawal natin, pero pinayagan natin ‘yung PIGO—Philippine Inland Gaming Operations—kung saan ang nagsusugal ay Pilipino, hindi dayuhan,” ayon kay Escudero.
“Ang nawawalan at nauubusan ng pera ay Pilipino at hindi dayuhan, at malamang sa malamang ‘yung mga dating POGO ay nagtatago sa likod ng PIGO,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Escudero na may mga katulad na isyu na ipinalutang sa POGO na maaaring ibandila laban sa PIGOs kaya dapat lamang na ipag-alala ang epekto nito.
“Marahil dapat ay tignan at review-hin din ito dahil ‘yung mga sinusubukan nating iwasang masasamang bagay, pagkakamali, pagkukulang ay tila nand’yan din sa PIGO na ang tatamaan pa ay sarili natin mismong kababayan at hindi mga dayuhan lamang,” aniya.
Kasabay nito, inatasan din ni Escudero ang PAGCOR na magsagawa ng mas malalim at bukas na pagsusuri sa PIGO upang matukoy kung nabebenepisyuhan ang bansa sa naturang industriya at ibigay sa publiko ang malinaw na larawan kung ano ang kanilang nakukuha sa paglalaro ng online games.
“Pwede bang makuha ‘yung datos mula sa PAGCOR? Pwede bang makuha natin ‘yung datos mula sa anumang relevant government agency kabilang ang BIR (Bureau of Internal Revenue)? Magkano nga ba nakukuha natin dito? And like the questions we ask in relations with POGO, is it worth it?” aniya.
Ayon sa senador, kung mapatutunayan na mapanira ang PIGOs sa pamumuhay ng Filipino, partikular ang mahihirap, at doon sa kakarampot ang kita, kailangang ikonsidera ng pamahalaan na ipagbawal ito.
“Alam ko malaking pera ang nakukuha ng PAGCOR dito. Malaking source of revenue ito at income sa parte ng pamahalaan, pero kung natatalikuran nga nila ‘yung malaking revenue at income din sa POGO, walang rason para hindi nila kayang talikuran din ‘yung malaking income sa PIGO kung nakakasama na talaga na ito sa ating mga kababayan na sa palagay ko ay oo,” giit ni Escudero. Ernie Reyes