WASHINGTON — Pinag-aaralan ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang “samu’t saring opsyon” para makuha ang Greenland, kabilang ang potensyal na paggamit ng puwersa ng militar, ayon sa pahayag ng White House nitong Martes.
Itinuturing ng administrasyon ang isla sa Arctic bilang bahagi ng pambansang seguridad.
Sinabi ni White House spokesperson Karoline Leavitt na malinaw na prayoridad ni Pangulong Trump ang pagkuha sa Greenland sa usapin ng pambansang seguridad, lalo na upang hadlangan ang mga kalaban ng U.S. sa rehiyon.
Ayon sa kaniya, pinag-uusapan ng pangulo at ng kaniyang koponan ang iba’t ibang paraan at “utilizing the U.S. military is always an option” ng commander in chief.
Inulit ni Trump ang kaniyang interes isang araw matapos ang operasyon ng militar ng U.S. sa Venezuela, at sinabi na kailangan ng Estados Unidos ang Greenland “mula sa pananaw ng pambansang seguridad.”
Ang Greenland, isang awtonomong teritoryo sa ilalim ng Kaharian ng Denmark, ay paulit-ulit nang tumanggi sa anumang paglilipat ng soberanya sa U.S.
Hinimok ng mga lider ng Denmark si Trump na itigil ang ganitong mga mungkahi, habang nagbabala si Prime Minister Mette Frederiksen na ang pagbabanta sa isang alyadong NATO ay maaaring magpahina sa alyansa.
Samantala, sinabi ni U.S. Secretary of State Marco Rubio na prayoridad pa rin ang diplomasya at nakatakda siyang makipagpulong sa mga opisyal ng Denmark sa susunod na linggo upang talakayin ang isyu. RNT