Home NATIONWIDE Paglalabas ng mga plaka sa loob ng 72 oras hamon ng bagong...

Paglalabas ng mga plaka sa loob ng 72 oras hamon ng bagong DOTr chief sa ahensya

MANILA, Philippines- Matapos batikusin ang mabagal na pamamahagi ng license plates sa una niyang conference bilang bagong Department of Transportation (DOTr) Secretary noong nakaraang linggo, hinamon ng Vince Dizon nitong Martes ang Land Transportation Office (LTO)— ipalabas ang mga plaka sa loob ng 72 oras.

Ayon pa kay Dizon, inaasahan din niyang matutugunan ng LTO ang backlog issue na nagsimula noong 2014, partikular para sa motorcycle plates.

“Yung mga motorsiklo, 2014 pa yata. Hanggang ngayon hindi pa nila nakukuha plaka nila. Ang labo naman nun. 2025 na. Pwede na ba natin finally maibigay lahat ng backlog ng mga motorsiklo?” wika niya.

“At pwede ba, moving forward, hindi na mauulit yun? Pwede ba, 24/48/72 hours makuha na nila plaka nila? Both motorcycles and four-wheeled vehicles… We will post that challenge and we will see if the LTO can deliver,” dagdag ni Dizon.

Giit ni Dizon, magkakasa siya ng deadline para makamit ito ng LTO.

“Kasi kung walang deadline, natural na babanjing-banjing ka lang o hindi ka pressured. Pero kung may deadline, kahit papano, talagang magpupursige ka. From now on, ang sabi ko sa mga kasama ko sa DOTr, hindi pwedeng walang deadline,” aniya. RNT/SA