Home NATIONWIDE Paglalathala ng listahan ng overseas voters sa website, itinanggi ng Comelec

Paglalathala ng listahan ng overseas voters sa website, itinanggi ng Comelec

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Commission on Elections, sa pamamagitan ng Task Force KKK at Office for Overseas Voting, ang mga alegasyon na inilathala umano ang Certified List of Overseas Voters (CLOV) sa official websites bago ang Eleksyon 2025 na lumabag umano sa data privacy o security breach.

Ang pahayag na ito ay tugon sa Facebook post ng Computer Professionals’ Union, kung saan binatikos nito ang paglalabas online ng CLOV, na umano’y lumalabag sa data privacy at nagbibigay ng banta sa kaligtasan ng milyon-milyong overseas Filipinos.

Itinanggi ng Comelec ang sinabi ng CPU at sinabing “false and malicious” ito, sabay-sabing ang publikasyon ng CLOV ay legal at obligado sa ilalim ng Republic Act No. 10590, o Overseas Voting Act.

Ipinunto ng komisyon na hindi nakita ng union ang key provisions ng batas partikular ang Section 8 na nagbibigay mandato na ang Resident Election Registration Board ay dapat na maglathala ng mga pangalan at application details ng mga aplikante sa bulletin boards at maging sa official website ng mga embahada at konsulado.

Dagdag pa, inoobliga rin ng Section 20 ng batas ang Comelec na ihanda at ilabas ang CLOV, 90 araw bago magsimula ang overseas voting period.

Ang mga listahang ito ay dapat na ibigay sa kaukulang mga embahada at konsulado para sa public posting.

“Sa makatuwid, ang paglalathala ng Certified List of Overseas Voters sa website ay siya mismong itinatakda ng batas, at isa sa mga kinakailangang gawin ng Comelec upang ipatupad ang RA No. 10590,” giit ng komisyon. RNT/JGC