Home NATIONWIDE Paglikha ng blacklisting committee sa DA, pinuri sa Senado

Paglikha ng blacklisting committee sa DA, pinuri sa Senado

MANILA, Philippines – Pinuri ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa paglikha ng isang blacklisting committee sa Department of Agriculture (DA).

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na itinalaga ni Laurel si DA Legal Service Director Willie Ann Angsiy at Procurement Division Chief Melinda Deyto bilang chair at vice chair, ayon sa pagkakasunod-sunod, ng blacklisting committee.

“Matagal ko nang kilala si Secretary Laurel, at hindi magnanakaw ‘yan. Hindi rin ‘yan madaling madala ika nga sa pananakot o anumang uri ng panloloko,” ayon kay Escudero.

“Umaasa ako na sa binuo niyang committee na ito ay tunay ngang ma-identify ‘yong mga totoong hoarders at mga smugglers,” giit pa ng senador.

Ipinalabas ng kalihim ang Special Order 11 na lumilikha sa DA’s central blacklisting committee upang palakasin ng gobyerno ang kampanya laban sa unscrupulous manufacturers, suppliers, contractors, consultants kabilang ang hoarders at smugglers ng agricultural products bilang bahagi ng pangunahing pagbabago sa ahensiya.

Itinalaga din ni Laurel si DA Internal Audit Service Director Christopher Bañas b ilang miyembro ng committee.

Nagpahayag naman ng buong suporta si Escudero sa desisyon ni Laurel na magkaaroon ng malawakang balasahan sa DA na naisagawa sa loob ng dalawang buwan matapos itong maitalaga.

“Iyong kanyang revamp na ginagawa sa DA suportado ko rin dahil tulad ng sinumang bagong pasok na head of agency ay dapat mabigyan natin ng kalayaan na makapili at piliin kung sino ‘yong mapagkakatiwalaan niya at maasahan niyang gumawa ng trabahong nais niyang makita sa kaniyang kagawaran,” ani Escudero.

“Buo ang pag-asa ko na sa kanyang liderato, maiaayos ni Secretary Laurel at ma-maximize niya ‘yong mga resources na binigay sa sektor ng agrikultura para mapataas ang ating GDP (gross domestic product) sa nasabing sektor,” giit pa niya. Ernie Reyes