Home NATIONWIDE Paglikha ng integrated master plan vs pagbaha sa Pinas, suportado ni Angara

Paglikha ng integrated master plan vs pagbaha sa Pinas, suportado ni Angara

MANILA, Philippines- Suportado ni Senador Juan Edgardo “Sonny Angara ang isinusulong ng kasamahan sa Senado na lumikha ng integrated master plan na tutugon sa paulit-ulit na malawakang pagbaha hindi lamang sa Central Luzon , kundi maging sa ibang lugar sa buong bansa.

Tinutukoy ni Angara, chairman ng Senate committee on finance, ang panukala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pagbubuo ng master plan na tutugon laban sa palagiang pagbaha sa bansa tuwing tag-ulan.

“Dapat magkaroon tayo ng pangmatagalan at permanenteng solusyon sa pagbabaha lalo na sa mga lugar na malapit sa mga ilog, dike at dam,” ayon kay Angara.

“Malaki ang pinsalang hatid ng mga baha na ito sa agrikultura, hanapbuhay, negosyo, sa ating ekonomiya at lalo na sa mga apektadong pamilya na kadalasan at hindi lang ang bahay at kagamitan ang nawawala kundi pati na ang mga mahal sa buhay,” giit pa niya.

Kapwa nagsanib ang tanggapan nina Villanueva at Angara sa paghahatid ng pagkain at relief goods sa libo-libong pamilya na lubhang naapektuhan ng pagbaha sa Bulacan.

Kabilang sa hinatiran ng ayuda ng Villanueva-Angara tandem ang bayan ng Hagonoy, Calumpit, Malolos, Bocaue, Balagtas at Guiguinto, sa lalawigan ng Bulacan.

Naitala ng Provincial Risk Reduction and Management Council ng Bulacan na apektado ng pagbaha sa 17 barangays ang mahigit 228,000 pamilya na sinalanta ng bagyong Egay at Falcon.

Idineklara ang lalawigan sa ilalim ng state of calamity matapos mataya na aabot sa mahigit P600 milyon ang halaga ng napinsalang agrikultura.

Kasabay nito, binisita at naghatid ng tulong si Sen. Risa Hontiveros sa apektadong residente sa Bulacan at Pampanga.

Lumahok din si Sen. Christopher “Bong” Go, at ibang senador sa pamamahagi ng flood relief sa Central Luzon. Ernie Reyes