Home METRO Paglipat ng petsa ng parliamentary election oks sa BARMM

Paglipat ng petsa ng parliamentary election oks sa BARMM

BARMM- Inilipat ng petsa ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Martes na niratipika ng Senado sa parehong araw.

Sa bicameral meeting, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na pinagtibay ng Senado ang mga probisyon sa bersyon ng Kamara na nilinaw na magiging automated ang botohan at pinapayagan ang gobyerno ng BARMM na gumastos para sa Sulu sa kabila ng pagbubukod ng huli sa rehiyon.

Ang orihinal na petsang Mayo 12, 2025 ay inilipat sa Oktubre 13, 2025 para sa BARMM eleksyon at ang susunod na halalan ay isasabay sa pambansang halalan sa 2028 at sa bawat eleksyon kasunod nito.

Tinanggap naman ng BARMM government ang bagong petsa para na rin maayos at maipatupad ang natitirang mga aspeto ng plano ng paglipat, kabilang ang mga pangunahing reporma sa pamamahala at ang institusyonalisasyon ng mga istrukturang ipinag-uutos ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Sinabi ng BARMM na ang panukala ay magbibigay sa rehiyon ng “sapat na oras upang matugunan ang mga legal at seguridad na alalahanin na direktang nakakaapekto sa integridad at pagiging kasapi ng proseso ng elektoral.”

“Kabilang dito ay ang pagbubukod ng Probinsya ng Sulu sa BARMM, na may malalim na implikasyon sa hurisdiksyon, pamamahala, at representasyon ng rehiyon,” dagdag nito.

Noong Marso 2023, ipinasa ng Bangsamoro Transition Authority ang Bangsamoro Electoral Code, na nagpapahintulot sa demokratikong partisipasyon sa lokal at rehiyonal na halalan. Magbubukas din ito ng paglikha ng mga partidong pampulitika sa rehiyon na may mga representasyon mula sa kababaihan, kabataan, katutubo, pamayanan ng mga settler, tradisyunal na pinuno, at Ulama.

Nakatakda sana ang parliamentary polls ng BARMM noong Mayo 2022, ngunit ito ay ipinagpaliban dahil sa pandemya ng COVID-19. Mary Anne Sapico