MANILA, Philippines – Sinisi ng Bell-Kenz Pharma Inc. ang di-umano’y kakulangan ng malinaw na mga alituntunin sa ilalim ng Universal Healthcare Act, kung saan naging kalituhan ng mga doktor ang kinakailangan nilang paggawa ng disclosure report kung sila ay nagmamay-ari ng botika, laboratory center, o testing centers.
“Ang kailangan lang po ay disclosure pero sa ngayon ay kulang pa o wala pong guidelines paano ba dapat i-disclose ng mga doktor o saan kung meron man siyang shares doon sa isang pharmacy, sa isang hospital, isang pharmaceutical company or to the public. Wala nga pong guidelines,” sinabi ni Bell-Kenz spokesperson Atty. Dez Perlez, sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules.
Muli niyang iginiit na ang mga doktor na nagmamay-ari ng negosyo ay “hindi illegal” gayundin ang pag-prescribe ng produkto ng Bell-Kenz.
Sa nasabi ring forum, sinabi ni Bell-Kenz Pharma chief executive officer Luis Raymond Go na bilang physician, suportado nito ang anumang batas [na] lalabas” kasunod ng pagdinig ng Senado noong Abril 30.
Gayunpaman, sa panahon ng pagdinig ng Senate committee on health tungkol sa di umano’y “sabwatan” ng kontrobersyal na drug firm at ilang doktor, inamin ni Bell-Kenz na nagsumite lamang ng bahagyang pagsunod sa mga kinakailangan sa pag-uulat nito sa Food and Drug Administration (FDA) sa relasyong pinansyal sa mga doktor.
Ang pagpasok ng Bell-Kenz ay nakakuha ng atensyon sa Department of Health (DOH) at FDA.
“Well we heard doon po sa ating Senate hearing na iyong kompanya na naimbitahan doon na sila mismo ang gumamit ng term na ‘partial compliance’ so kami nga, medyo lumaki ang mata namin kasi we were hoping na fully compliant,” sabi ni DOH spokesperson Albert Domingo sa isang panayam kaugnay dito.
Paalala ng FDA
Nang maisyu Bell-Kenz ilang linggo na ang nakalilipas, ang FDA ay agad na naglabas ng anunsyo sa lahat ng pharma at iba pang stakeholder noong Abril 26 na nagpapaalala sa kanila sa pagsusumite ng kanilang mga ulat sa pananalapi.
“Pursuant to Section 35 (b) of RA No. 11223 on Ethics on Public Health Policy and Practice, all FDA -licensed manufacturers, traders, repackers, distributor-importers, and distribuor-wholesalers of drug, medical devices, and biological products including vaccines, and medical supplies registered with the FDA are mandated to collect and track all financial relationships with healthcare providers and healthcare professionals and report these to the Department of Health, through the FDA,” ayon sa paalala ng FDA reminder na pinirmahan ni Director General Dr. Samuel A. Zacate noong April 26.
Posibleng kasong administratibo
Kaya naman, ibinunyag ni Domingo na sa coordination meeting kasama ang mga opisyal ng FDA, Professional Regulation Commission (PRC), at dinaluhan ng Philippine Medical Association (PMA) noong Mayo 2, napag-usapan nila kung ano ang posibleng aksyon na kanilang gagawin laban sa Bell-Kenz at iba pang hindi sumusunod na kumpanya ng pharma at iba pang stakeholder.
“Kasi pag walang parusa, baka hindi tayo sinesoryo,” sabi ni Domingo na ang non-compliant firms o doctors ay maaring maharap sa posibleng administrative sanction.
Sinusuportahan ni Sen Go ang pagdinig ng Senate blue ribnon committee hearing
Samantala, si Senador Christopher “Bong” Go ay nagpahayag ng kanyang buong suporta ayon sa kanyang malawak at patas na pagsisiyasat sa umano’y hindi etikal na gawi ng Bell-Kenz ng Senate blue ribbon committee.
Bilang Senate Health Committee Chair, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtaguyod sa integridad ng propesyon sa medisina at pagpapanatili ng tiwala na ibinibigay sa mga doktor.
Binigyang-diin niya ang obligasyon ng Estado na pangalagaan ang integridad ng sistema ng pampublikong kalusugan at tiyakin na ang mga medikal na propesyonal ay sumusunod sa kanilang mga pamantayan sa etika at umiiral na mga batas.
“Walang masamang kumita but not at the expense of people’s health. Unahin natin ang kapakanan ng mga pasyente especially poor and indigent patients. Interes ng tao, interes ng bayan at ano ang katotohanan,” saad ni Go. RNT