Home Banat By PAGMASDAN  PAGKAWAIS NG MGA KANO

PAGMASDAN  PAGKAWAIS NG MGA KANO

ALAM ba ninyo na pagkatapos na pagkatapos na payagan ni American President Joe Biden na gamitin ng Ukraine ang mga missile at armas nitong pangmalayuan, agad na nilayasan ng mga Kano ang kanilang embahada sa Ukraine.

Takooooot na takoooot ang mga Amerikano na bombahin sila ng Russia mismo sa kanilang embahada.

Papalitan na lang sila ng mga kontraktor na Amerikano sa pag-repair ng kanilang mga bigay na armas na nasisira sa pag-atake ng mga Rusong drone, missile at bomba.

Kabilang sa mga armas ang Army Tactical Missile Systems o ATACMS na 300 kilometro ang naaabot o mula sa Manila hanggang sa Ilocos Sur.

Ang M142 High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) ay aabot naman sa 500 kilometro o mula sa Manila hanggang sa Tuguegarao City, Cagayan.

Bukod sa mga armas na ito, nariyan din ang mga eroplanong F-16 fighter bomber ngunit idinaan sa iba’t ibang bansa sa Europa na kakampi ng Ukraine.

Ngayon, maaari umanong pagmumulan ito ng digmaan nukleyar lalo’t sinasabi ng Russia na kapag nagdelikado ito sa malalakas at malayuang armas ng Ukraine, magpapakawala ito ng mga nuclear bomb na maaaring taktikal o maliit lamang o kaya’y intercontinental na aabot mismo sa bansa ni Biden.

Maghahanda na ba tayo sa digmaang maaaring aabot sa Pinas kung magiging World War 3 ang ibubunga ng digmaang Ukraine at Russia?

Kaugnay nito, paano ang dinadala at ibinebentang armas ng mga Kano sa Pinas gaya ng mga missile na pwede namang atakehin ng China?

Hindi kaya sila bigla ring lalayas sa Pinas at iwan ang mga Pinoy na madadamay sa giyerang US at China…gaya ng ginawa nila sa Ukraine?

Alalahanin, nandiyan lang sa Manila Bay ang US Embassy at ewan kung alam ito ng mga Tsino at kung may mga armas ng mga ito na makaabot dito mula sa China.