MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Win Gatchalian na kailangang pag-aralang mabuti kung paano gagawing sustainable ang panukalang batas na magpapababa sa compulsory at optional retirement age ng mga empleyado ng gobyerno, lalo na’t maraming sumusuporta dito.
“Mukhang lahat ay sumusuporta sa panukalang bawasan ang mandatory at compulsory retirement age ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at sumasang-ayon din ang marami na ang batayan ng computation ng halaga ng makukuhang pension oras na mag-retire na ay dapat mas mataas ng isang salary grade,” sabi ni Gatchalian sa isang pagdinig sa Senado.
“Ang pagiging sustainable ng pension ay magdedepende sa pagkalkula ng buhay ng pondo. Kung nais nating mapanatili ang buhay ng pondo, dapat malaman kung magkano ang ibibigay na subsidiya ng gobyerno bilang equity dahil ang naturang panukala ay hahantong sa mas maaga o mas malaking pagbabayad ng pension,” paliwanag ng senador, na tinukoy ang Government Service Insurance System (GSIS) na siyang nagbibigay ng social security coverage para sa mga empleyado ng pampublikong sektor. “Kailangang liwanagin ng GSIS ang computation para magkaroon tayo ng direksyon,” dagdag niya.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Gatchalian na maraming mga guro sa pampublikong sektor ang humihiling ng mas maagang pagreretiro sa serbisyo.
Sa pagdinig ng Senado, hiniling din ni Gatchalian sa Civil Service Commission (CSC) na pag-aralan ang mga pension system sa iba’t ibang bansa at tukuyin ang mga best practices.
“Kailangan nating alamin ang mga best practices sa ibang bansa pagdating sa pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno upang magkaroon tayo ng ideya kung paano ito ipinapatupad sa ibang mga hurisdiksyon. Nagbabago kasi ang mga trend, tulad halimbawa ng life expectancy, na maaaring makaapekto sa pension scheme kaya dapat pag-aralan nang maigi,” sabi niya.
Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 944 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 8291 o ang Government Service Insurance Act of 1997 para ibaba ang compulsory retirement age ng mga empleyado ng gobyerno mula 65 hanggang 60 at optional retirement age mula 60 hanggang 55. Ang panukala ay inaprubahan na sa Mababang Kapulungan noong Enero ng taon.
“Kung maisabatas ito, magkakaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mas maraming Pilipino, lalo na ang mga nakababatang henerasyon na mas sanay sa mga makabagong teknolohiya na magagamit sa operasyon ng mga ahensya ng gobyerno,” pagtatapos ni Gatchalian. Ernie Reyes