Home NATIONWIDE Pagpapabilis ng OEC at contract verification ng OFWs isusulong ni Abalos

Pagpapabilis ng OEC at contract verification ng OFWs isusulong ni Abalos

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary at kandidatong senador Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na kanyang isusulong ang agarang reporma sa Overseas Employment Certificate (OEC) at sa proseso ng contract verification na inilarawan ng maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) bilang luma na, hindi epektibo, at labis na pabigat.

Sa isang dayalogo kasama ang mga OFW mula sa Gitnang Silangan, Europa, at Asya, pinakinggan ni Abalos ang hinaing ng mga OFWs ukol sa mabagal na sistema ng appointment at mahabang pila para makakuha ng mga dokumentong kailangan bago sila makabalik sa trabaho sa ibang bansa.

“Pangako ko po sa inyo — kung ako’y papalaring manalo — ako mismo ang mangunguna sa pagsusulong ng polisiya para mapabilis ang mga prosesong ito,” ani Abalos.

Ang OEC ay nagsisilbing exit clearance upang masiguro na ang mga OFW ay dokumentado at protektado. Ngunit para sa marami, nagiging sagabal ito sa tagal ng proseso sa halip na proteksyon.

“Marami tayong natatanggap na suhestiyon mula sa ating mga makabagong bayani. Tungkulin natin ang makinig—at kumilos,” dagdag pa ni Abalos.

“Nakakainis. Napakasimpleng bagay, pinapahirapan pa,” aniya.

“Masakit isipin na ang simpleng requirement na ito ay ginagawang komplikado,” dagdag ni Abalos. “Kung mabibigyan ako ng pagkakataong magsilbi sa Senado, isusulong ko ang batas na magpapadali at magpapabilis sa prosesong ito.”

Marami ring OFW ang nagpahayag ng pagkadismaya, at sinabing ang hirap ng sistema ay nakaka-discourage sa kanila na umuwi at makapiling ang kanilang pamilya o makatulong sa turismo ng Pilipinas.

Ayon kay Ralph, isang OFW sa Gulf region, “Minsan mas madali pa magbakasyon sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas. Ang contract verification pa lang, aabutin ng isang linggo hanggang isang buwan para lang makakuha ng appointment. Tapos pipila ka pa ng kalahating araw. Iba pa ang OEC.”

Dagdag ni Abalos, maraming OFW ang napipilitang gumamit ng kanilang bakasyon—na kadalasan ay walang bayad—para lang asikasuhin ang mga prosesong ito, na sana’y panahon para sa kanilang pamilya.

Bagamat may mga online service nang inilunsad, marami pa rin ang nagrereklamo sa kakulangan ng available na appointment slots.

Ayon kay Abalos, malinaw na kailangan na ng isang malawakang reporma na isasagawa sa tulong ng maraming ahensya ng gobyerno.

Dapat aniyang magkaroon ng mas malapit na koordinasyon sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW), Anti-Red Tape Authority (ARTA), at iba pang kaugnay na ahensya.

Bilang tagapagtaguyod ng digitalization sa gobyerno, iminungkahi ni Abalos ang ganap na digital transformation ng OEC at contract verification sa pamamagitan ng isang user-friendly at streamlined na sistema na magkakaugnay ang mga ahensya upang maiwasan ang paulit-ulit na hakbang.

Dagdag pa niya, dapat magkaroon ng itinakdang maximum processing time para sa pag-isyu ng OEC at contract verification.

“Magkakaroon ng malinaw na pananagutan,” ani Abalos.

“Sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon ng mga ahensya, mapapadali natin ang proseso ng pag-alis at pagbabalik ng ating mga OFW—at mababawasan ang isa sa maraming pasanin nila,” aniya.

Sa kanyang pagtatapos, iginiit ni Abalos na ang repormang ito ay hindi lamang makakatipid sa oras at pera ng mga OFW kundi magbibigay rin sa kanila ng mas maraming panahon upang makasama ang mga mahal nila sa buhay. RNT